Boxing career ni Donaire ngayong 2011 naging mabunga
MANILA, Philippines - Isang matagumpay na taon para kay Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. ang 2011.
Noong Pebrero 19, pinabagsak ni Donaire si Fernando Montiel sa second round upang agawin sa Mexican ang mga suot nitong World Boxing Council (WBC) at World Boxing Organization (WBO) bantamweight titles.
Matapos makatanggap ng suntok sa kanang bahagi ng kanyang ulo, gumanti naman si Donaire sa pamamagitan ng isang left cross kay Montiel na nagpabagsak rito.
Nakatayo si Montiel at nakipaglaban kay Donaire ngunit nakatikim lamang ng left-right combination kasunod ang pagpapatigil ni referee Russell Mora sa laban matapos ang 2:25 sa second round.
Si Donaire ang naging ikalawang Filipino at ikatlong Asian fighter na naging isang three-division world champion.
Nauna nang nakopo ng tubong Talibon, Bohol ang International Boxing Federation (IBF) at International Boxing Organization (IBO) flyweight titles mula sa kanyang one-punch, fifth round knockout sa dating undefeated na si Vic Darchinyan ng Armenia noong Hulyo 7, 2007.
Ang naturang panalo ni Donaire kay Darchinyan ay hinirang ng Ring Magazine bilang “Knockout of the Year” at “Upset of the Year” noong Disyembre 23, 2007.
Noong Oktubre 22, 2011, matagumpay na naidepensa ni Donaire ang kanyang WBC at WBO bantamweight belts nang talunin si two-division world champion Omar “El Huracán” Narvaez via unanimous decision sa Madison Square Garden sa New York.
Kasalukuyang bitbit ng 28-anyos na si Donaire ang 27-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 18 KOs.
“I’m ready for whoever. Maybe after seeing that last fight, some of these guys will want to fight me since Narvaez finished the fight. I want whoever is willing to step to the challenge and fight me,” sabi ni Donaire.
Sinabi ng manager ni Donaire na si Cameron Dunkin na gusto nang umakyat ng Filipino fighter sa super bantamweight division sa hangaring makakuha ng panibagong korona.
“You know 126 lbs is an option,” wika ni Dunkin. “But we are not chasing anybody. Nonito just wants to step to 122 (super bantam), get two or three fights then up to 126 (featherweight). And that could lead to 130 (super feather) and even 135 (lightweight).”
Nakatakdang labanan ni Donaire si Wilfredo Vázquez, Jr. (21-1-1, 18 KOs) sa Pebrero 4, 2012 para sa bakanteng WBO super bantamweight title.
- Latest
- Trending