Yulo brothers magsasanay sa France

MANILA, Philippines — Sasalang muna ang Yulo brothers na sina Carlos Edriel at Karl Eldrew sa pukpukang ensayo sa France bago tumulak sa 54th Artistic Gymnastics World Championships sa Rotterdam, Netherlands.
Nakatakdang umalis ang Yulo brothers sa Martes patungong France para doon ipagpatuloy ang pagsasanay para sa World Championships.
“May training camp po kami sa France before going to Netherlands para sa World Championships,” ani Eldrew.
Ito ang unang pagkakataon na masisilayan si Eldrew sa seniors division ng World Championships.
Aminado si Eldrew na hindi magiging madali ang laban dahil na rin sa presensya ng mga world-class gymnasts.
Subalit handa itong ibuhos ang kanyang buong lakas upang makahirit ng podium finish.
Kaya naman desidido itong sumalang sa pukpukang ensayo upang maging malinis ang mga galaw nito sa World Championships.
Dedepensahan naman ni Caloy ang korona nito sa vault na nakuha nito noong 2025 edisyon sa Jakarta, Indonesia.
Maliban sa gold, nakahirit din si Yulo ng tanso sa floor exercise sa naturang edisyon.
Galing ang Yulo brothers sa kampanya sa Asian Games sa Nagoya, Japan.
Nakahirit ng dalawang ginto si Caloy sa men’s floor exercise at men’s vault habang nakatanso naman si Eldrew sa men’s horizontal bar.
- Latest



















