Puno pasiklab sa Red Lions vs Altas
MANILA, Philippines — Kinadena ng defending champion San Beda University ang ika-3 sunod na panalo matapos nilang lapain ang University of Perpetual Help System DALTA, 71-63, kagabi sa NCAA Season 102 men’s basketball tournament na nilaro sa Playtime FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Muling nagpakitang gilas si Jomel Puno matapos nitong irehistro ang 15 points at tatlong rebounds upang tulungan ang Red Lions na sakmalin ang pang limang panalo sa pitong laro at upuan ang second spot ng Group A sa team standings.
Bagama’t nagtala ng career-best 29 points sa nakaraang laban si Aldous Torculas, sumapat pa rin ang siyam na puntos, walong boards, anim na assists at dalawang steals para maipanalo ang Mendiola-based team.
Pumapalag ang Altas sa unang dalawang quarters, sinabayan nila ang bangis ng Beda upang makalamang ng isang puntos, 34-33 sa halftime.
Lumabas ang tikas ng Red Lions sa third period, naagaw nila ang bentahe, 55-50 papasok ng fourth canto.
Malakas na sinimulan ng San Beda ang laro sa payoff period, sinakmal nila ang 10-0 run upang hawakan ang 65-55 lead may 2:33 minuto na lang ang natitirang oras at hindi na nilingon pa ang Perpetual.
Laglag ang Altas sa 6-4 kartada.
Samantala, tinapos ng Letran ang dalawang sunod na kamalasan matapos kaldagin ang Lyceum of the Philippines University, 96-86 sa unang laro.
- Latest
























