NLEX Road Warriors swak sa quarterfinals

MANILA, Philippines — Sa first period pa lamang ay kumolekta na si bagong NLEX import Deonte Burton ng 16 points, anim na rebounds, dalawang assists at dalawang steals.
Tumapos si Burton na may 22 points, 14 boards, walong assists, anim na steals at dalawang blocks para banderahan ang Road Warriors sa 138-78 pagsagasa sa guest team Macau Giant Pandas at kunin ang unang quarterfinals berth ng Season 50 PBA Governors’ Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
“It feels really good just to be out here with the guys,” sabi ng 6-foot-4 na si Burton na pumalit kay injured DeQuan Jones. “It feels really good. I was really excited.”
Bumangon ang NLEX mula sa naunang kabiguan sa Converge noong Agosto 14 bago ang mahabang PBA break para itaas ang baraha sa 8-2 at solohin ang liderato ng Group A papasok sa quarterfinals.
Bagsak ang Macau sa ikatlong sunod na kamalasan para sa 2-7 marka sa kabila ng itinalang 22 points, walong boards at pitong assists ni Kobe Lam.
Bukod sa magandang laro ni Burton ay sinamantala rin ng Road Warriors ang pagkawala sa Giant Pandas nina import De’Vondre Perry, Damian Chongqui, Ramon Cao at Jenning Leung kasama si coach Marcus Elliot.
Binuksan ng NLEX ang laro sa 13-2 bago ito pinalobo sa 30-8 mula sa follow-up ni Burton sa 5:30 minuto ng first quarter.
Bahagyang nakahabol ang Macau sa pagtatapos nito, 23-38, ngunit muling naiwanan sa 30-54 sa 6:20 minuto bago ang halftime.
Kinontrol ng Road Warriors ang rebounding department sa first half sa kanilang 38 boards kumpara sa 23 ng Giant Pandas.
Hindi na nagpapigil ang NLEX sa third period nang ikasa ang 91-48 kalamangan sa Macau.
- Latest



















