Murphy bubuhayin tsansa ng Ginebra
MANILA, Philippines — Isasalang ng Barangay Ginebra si bagong import Jordan Murphy sa pagsagupa sa Rain or Shine para buhayin ang tsansa sa quarterfinals ng Season 50 PBA Governors’ Cup sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Lalabanan ng Gin Kings ang Elasto Painters ngayong alas-7:30 ng gabi matapos ang bakbakan ng Blackwater Bossing at Magnolia Hotshots sa alas-5:15 ng hapon.
Solo ng Rain or Shine ang liderato sa Group B bitbit ang 4-2 kartada kasunod ang Magnolia (4-3), Phoenix (4-3), Blackwater (3-3), Meralco (3-5) at Ginebra (2-4) na bagsak sa dalawang dikit na talo.
Papalitan ng 6-foot-6 na si Murphy si Riley Grigsby sa hangaring palakasin ang pag-asa ng Gin Kings sa eight-team quarterfinal round kung saan nakauna na ang NLEX Road Warriors (8-2).
Isang undrafted player noong 2019 NBA Draft, naglaro si Murphy sa NBA G League para sa Iowa Wolves, Austin Spurs at Greensboro Swarm bukod sa mga liga sa Puerto Rico at Mexico.
Nasa isang four-game winning streak ang Elasto Painters matapos simulan ang torneo sa dalawang sunod na kabiguan.
Sa unang laro, target ng Hotshots ang ikaapat na sunod na ratsada sa pagharap sa Bossing na puntirya ang back-to-back wins.
Umaasa si coach LA Tenorio na taglay pa rin ng Magnolia ang kanilang bagsik sa pagsagupa sa Blackwater sa kabila ng mahabang PBA break dahil sa paglahok ng Gilas Pilipinas sa FIBA window at 20th Asian Games.
- Latest























