Mapupulang prutas para sa puso
NARITO ang mga mapupulang prutas na mahusay sa puso:
1. Pulang ubas – Ang red grapes ay may taglay na flavonoids, quercetin, at resveratrol na nasa balat ng pulang ubas. Ayon sa pagsusuri, ang ubas ay nagpapataas ng good cholesterol. Pinipigilan din nito ang pagbuo-buo ng platelets sa dugo para hindi magbara ang ugat.
2. Pulang pakwan – ang pakwan ay may benepisyo sa puso at blood vessels. Napatunayan na pinapataas ng pakwan ang lebel ng arginine sa ating katawan. Ang arginine ay na-co-convert sa nitric oxide, isang kemikal na nagpaparelaks at nagpapabuka ng ugat na makatutulong ito sa pag-iwas sa stroke at heart attack.
3. Pulang mansanas – Ang red apples ay mataas sa quercetins. Ayon sa pag-aaral, ang mga taong kumakain ng “one apple a day” ay mas nakaiiwas sa kanser sa baga at Alzheimer’s disease. Ang balat ng mansanas ay may pectin, na nagpapababa rin ng lebel ng bad cholesterol ng 16% kaya mabuti ito sa ating puso.
4. Strawberries – Ang strawberries ay may ellagic acid at polyphenols, na nagpo-protekta laban sa kanser. Mataas din ang strawberries sa anti-oxidants, vitamin B at C, at potassium na kailangan sa normal na pagtibok ng puso.
5. Kamatis – Ang kamatis ay mayaman sa anti-oxidants tulad ng lycopene at beta-carotene. Ang lycopene ay isa sa pinakamalakas na anti-oxidant. Maraming pagsusuri ang nagpapatunay na ang pagkain ng kamatis, ay nagpapababa ng tsansang magkaroon ng sakit sa puso, prostate cancer at kanser sa bituka.
- Latest


















