Sino ang susunod na Chief Justice?
Magreretiro na si Chief Justice Alexander Gesmundo sa Nobyembre 6 kaya muling napupunta sa usapan kung sino ang susunod na mamumuno sa Korte Suprema.
Isa sa mga madalas mabanggit ay si Associate Justice Rodil Zalameda. Hindi naman nakapagtataka. Mahaba na ang kaniyang karanasan sa hudikatura at marami na rin siyang mahahalagang desisyong naisulat sa Korte Suprema.
Kabilang dito ang mga kasong may kaugnayan sa pamilya Marcos, gaya ng pagbasura sa P41-bilyong ill-gotten wealth case laban sa mga Marcos at negosyanteng si Lucio Tan, pati ang pagpapawalang-sala kay dating First Lady Imelda Marcos sa ilang graft case.
Walang duda sa kaniyang kakayahan. Pero sa pagpili ng susunod na Chief Justice, may isa pang bagay na karaniwang tinitingnan bukod sa husay at rekord: ang seniority.
Hindi naman ito nakasulat bilang mahigpit na tuntunin. Isa itong tradisyon na matagal nang sinusunod dahil nakatutulong itong maiwasan ang mga tanong at haka-haka sa loob ng institusyon.
Kapag nilaktawan ang mga mas senior na mahistrado, kahit gaano pa kagaling ang mapili, tiyak na may mga magtatanong kung bakit.
Nakita na rin natin noon kung gaano kasensitibo ang pagtalon sa nakagawiang pagkakasunod-sunod. Noong 2012, itinalaga ni dating Pangulong Benigno Aquino III si Maria Lourdes Sereno bilang Chief Justice kahit may mas senior na mga mahistrado sa Korte.
Hindi man iyon naging agarang isyu noong una, kalaunan ay naging bahagi ito ng mas malalaking usapin na humantong sa hindi pagkakasundo sa loob ng institusyon.
Siyempre, hindi ibig sabihin na kapag junior ang napili ay mali na agad ang desisyon. Hindi rin awtomatikong nangangahulugan na ang pinaka-senior ang laging pinakamahusay na pagpipilian.
Subalit sa mga ganitong pagkakataon, mahalaga ring isaalang-alang kung paano matatanggap ng buong Korte ang magiging lider nito.
Ang totoo, hindi rin naman garantiya na ang isang Chief Justice na itinalaga ng isang Pangulo ay magiging kakampi niya habambuhay. Magkakaiba ang pulitika at batas. Kapag naupo na sa Korte Suprema, ang bawat mahistrado ay may sariling pananagutan sa Konstitusyon.
Sa katunayan, ipinakita na ng kasaysayan na ang mga appointee ay hindi laging kumikilos ayon sa inaasahan ng mga nagtatalaga sa kanila.
Sa dulo, marahil hindi ang pinakamahalagang tanong ay kung sino ang pinakamalapit sa isang administrasyon o kung sino ang may pinakamalakas na suporta. Mas mahalagang malaman kung sino ang may pinakamalaking kakayahang pag-isahin ang Korte Suprema.
- Latest















