^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Bagong guidelines ng DepEd sa El Niño

Pilipino Star Ngayon

NAGLABAS kamakailan ang Department of Education (DepEd) ng bagong guidelines bilang paghahanda sa matinding El Niño na inaasahang magpapatuloy hanggang sa mga unang bahagi ng 2027.

Sa ilalim ng tinatawag na 4H framework, maaaring paikliin, ilipat sa home-based learning o tuluyang suspendihin ang klase depende sa aktuwal na init sa loob ng classroom.

Maganda at makabuluhan ang hakbang na ito ng DepEd lalo na’t ngayon pa lamang ay nararamdaman na ang bangis ng El Niño. Mas maagang paghahanda, mas mainam para sa ikabubuti at kaligtasan ng mga bata.

Mas makatwiran ang localized approach kaysa isang blanket suspension para sa buong bansa dahil hindi pare-pareho ang kondisyon sa bawat komunidad.

Kapag umabot sa 33°C hanggang 41°C ang heat index, suspendido ang physical classes, samantalang kapag 42°C pataas, pati home-based academic activities ay ihihinto.

Pero hindi dapat maging pangmatagalang solusyon ang paulit-ulit na suspension. Kapag sobrang init, tama lamang na unahin ang kalusugan ng estudyante at guro. Ngunit bawat araw na walang maayos na klase ay dagdag na learning disruption sa isang education system na matagal nang humahabol sa learning losses.

Kaya mahalaga ang ibang bahagi ng DepEd plan: ligtas na drinking stations, sapat na tubig, electric fans, health response, at regular na monitoring ng classroom temperature at humidity.

Mas mahalaga pa ang pangmatagalang solusyon.

Ayon mismo sa DepEd, kailangang baguhin ang disenyo ng mga bagong classroom, mas mataas na kisame, insulated ceiling at mas maayos na airflow.

Pinag-aaralan din ang paggamit ng solar power upang mabawasan ang gastos sa kuryente at makatulong sa pagpapalamig ng mga paaralan.

Dito dapat mapunta ang susunod na hakbang.

Habang umiinit ang panahon, hindi ­maaaring taun-taon na lamang ang tanong ay kung kailan magsususpinde ng klase.

Dapat ding tanungin kung bakit napa­karaming classroom ang hindi kayang protektahan ang mga bata mula sa matinding init.

Ang class suspension ay mahalagang emergency measure. Pero ang tunay na solusyon ay mga paaralang may sapat na tubig, bentilasyon at imprastrakturang kayang harapin ang mas mainit na klima. Hindi puwedeng suspendido rin ang pangmatagalang paghahanda.

DEPED

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with