Comelec ano ba ‘to?
MARAMING nagulantang sa mga nangyayari dito sa Davao City ngayon. Ang ilan ay nagtataka.
May mga nakita kasing election paraphernalias na nakatambak sa isang bahay sa Dumanlas, Barangay Buhangin kamakailan lang.
Ang tanong ay kung paano nakarating sa isang bahay sa Bgy. Buhangin ang mga sensitibong materials para sa gaganaping election sa Mayo 12.
Naka-selyo at maayos ang pagkabalot ng mga nasabing Starlight Satellite units na gagamitin nga raw sa darating na midterm elections.
Alam na ng Davao City Police Office ang nasabing pangyayari.
Hinihintay lang daw ng pulisya ang sagot ng Commission on Elections (Comelec) kung bakit may election paraphernalias sa isang bahay.
Ang mga nasabing satellite units ay ginagamit umano sa mga lugar na malayo sa kabihasnan.
Yung mahirap ang signal na tinatawag na geographically isolated at disadvantage areas (GIDA).
Tinatanong nga ang Comelec kung bakit pinabayaan ang mga ito na nilagay lang sa isang bahay.
Pati ang may-ari ng bahay ay walang kaalam-alam sa mga nasabing election materials.
Ang satellite links ay nakatakdang gamitin ng isang service provider upang mai-transmit ang resulta pagkatapos na magsara ang halalan, alas siyete ng gabi ng Mayo 12.
Ang satellite links ay kailangan din upang makapag-print ng siyam na kopya sa election returns galing sa clustered precincts.
Nararapat na mabigyang linaw ng Comelec ang pangyayaring ito. Hindi ito simpleng bagay lang lalo’t halos isang buwan na lang at gaganapin na ang midterm elections.
- Latest