‘Kulay itim’ na ads bagay sa Duterte admin - Palasyo

MANILA, Philippines — Mas bagay na ihalimbawa sa dating administrasyon ang “Kulay Itim” na campaign ads ni Vice President Sara Duterte at Sen. Imee Marcos.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro, mas maihahalintulad ang Duterte administration sa kulay itim dahil sa mga naranasan noong kagutuman at extra judicial killings (EJKs).
Mismong ang Philippine National Police (PNP) at si Senate President Chiz Escudero ang nagsabing mas mababa ngayon ang antas ng krimen kumpara sa nakalipas na administrasyon.
“’Pag sinabi nating itim ngayon ang kulay, mas made-describe siguro natin ang nung nakaraang administrasyon na sobrang itim at ngayon ay papaliwanag sa panahon ng kasalukuyang administrasyon, hindi man ganon kaputi pero patungo na doon,” ayon kay Castro.
Pinagmalaki ni Castro na ang administrasyong Marcos ay papunta na sa paputi bagamat hindi pa perpektong puti, subalit unti-unti ng nagkakaroon ng liwanag ang kinabukasan ng mga Pilipino.
“Papunta na sa paputi, konting kulay na lang medyo maputi na. Hindi pa perfectly white pero doon na patungo ang kasalukuyang administrasyon,” dagdag pa ni Castro.
Kasabay nito, pinayuhan naman ni Castro ang mga botante na dapat ay maging mapanuri at huwag magpaloko sa sinasabi ng ilang campaign ad bagkus ay alamin ang katotohanan at iwasan ang fake news.
Ang reaksyon ng Malakanyang ay kasunod ng campaign ads ni VP Sara at Imee na tumutukoy sa pagluluksa umano dahil sa gutom at krimen sa bansa.
- Latest