Mga benepisyo ng broccoli at cauliflower
NARITO ang mga benepisyong makukuha sa pagkain ng broccoli at cauliflower:
1. Para sa mga babae – Ang broccoli ay may kemikal na sulforaphane na makatutulong sa pag-iwas sa breast cancer.
Ang sulforaphane ay pinipigilan ang isang estrogen metabolite na may kaugnayan sa breast cancer. May taglay na folic acid ang broccoli na kailangan ng bata sa sinapupunan. Mayroon din itong calcium na makatutulong sa pag-iwas sa osteoporosis.
2. Para labanan ang kanser – Ang sulforaphane ay nagpapadami ng isang selula na kung tawagin ay “helper T-cells”. Tinutulungan nito ang atay na tanggalin ang mga dumi na nalalanghap tulad ng usok ng sigarilyo, usok ng sasakyan, at mga gamot at alak na ininom.
Ayon sa pagsusuri sa Tokyo at Singapore, makatutulong ang broccoli at cauliflower sa pag-iwas sa kanser sa balat at kanser sa baga.
Sa katunayan, ayon sa World Cancer Research Fund, may 206 pagsisiyasat ang nagsasabi na ang broccoli at cauliflower ay pangontra sa kanser sa bibig, lalamunan, suso, tiyan, baga, lapay at bituka.
3. Para sa mataas ang kolesterol – Ang fiber na taglay ng broccoli ay makatutulong sa pagbaba ng kolesterol sa dugo at masasabi nating makalilinis sa bituka.
4. Para pumayat – Hindi nakatataba ang mga gulay kumpara sa karne at matatamis na pagkain. Ang isang tasa ng broccoli o cauliflower ay may 46 calories.
5. Para lumakas ang katawan – Maraming antioxidants ang broccoli tulad ng beta-carotene, vitamin C at glutathione.
May mga eksperto ang nagsasabi na mas mabisa ang natural na glutathione na galing sa gulay dahil tinutulungan nito ang atay na alisin ang mga kemikal tulad ng lead at mercury.
- Latest