^

PSN Opinyon

PBBM, Sec. Rex purihin sa ‘Walang Gutom Program’

ON POINT - Dr. Paul Martinez - Pilipino Star Ngayon

Hindi lahat ng programa ng pamahalaan ay dapat palakpakan. Ngunit kapag ang isang programa ay may malinaw na layunin, mahusay na implementasyon, at nakikitang resulta, nararapat lamang itong kilala­nin. Isa rito ang ‘Walang Gutom Program’ (WGP) ng administrasyon ni Pres. Bongbong Marcos Jr., na ipinatutupad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamumuno ni Sec. Rex Gat­chalian. Sa aking pagdalo sa paglulunsad ng ‘Walang Gutom Kitchen’ sa Cebu City, nagkaroon ako ng eksklusibong panayam kay Secretary Gat­chalian, at doon ko higit na nakita ang halaga ng programang ito.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), may 1.4 milyong food-poor families sa Pilipinas. Bilang tugon, target ng DSWD na maabot ang isang milyong food-poor families pagsapit ng 2027. Sa pamamagitan ng ‘Electronic Benefit Transfer’ (EBT) Card, o food stamp program, tumatanggap ang bawat kwalipikadong benepisyaryo ng ?3,000 kada buwan na magagamit lamang sa pagbili ng bigas, prutas, gulay, karne, isda, itlog, gatas, at iba pang masusustansyang pagkain. Hindi ito maaaring­ gawing cash, kaya natitiyak na ang tulong ay napupunta sa wastong nutrisyon.

Patunay ng magandang implementasyon ang mabilis na pagpapalawak ng programa. Mula sa limang pilot areas, saklaw na ngayon nito ang 21 priority provinces sa 10 rehiyon. Kasabay nito ang Walang Gutom Kitchen, na nagsimula sa Pasay at matagumpay na nailunsad sa Cebu City. Dito ay ini­­hahain ang complete at nutritious breakfast at lunch habang iniuugnay ang mga benepisyaryo sa iba pang serbisyong panlipunan at oportunidad upang makabangon.

Sa aking panayam, ibinahagi ni Sec. Rex Gat­­chalian na hindi rito nagtatapos ang inisyatiba. Ma­tapos ang Pasay at Cebu City, Mindanao na ang susunod na target ng Walang Gutom Kitchen. Ipinakikita nitong hindi lamang ito proyekto kundi isang programang may malinaw na direksiyon at pangmatagalang layunin laban sa kagutuman.

Bilang kolumnista at political analyst, marami na akong napuntahang paglulunsad ng mga programa ng pamahalaan. Ngunit sa Cebu, isang bagay ang tumatak sa akin—ang dignidad na ibinibigay sa bawat benepisyaryo. Maayos ang presentasyon ng pagkain, balanse ang nutrisyon, at halatang pinag-isipan ang bawat meal. Hindi lamang sikmura ang binubusog, kundi pati pag-asa.

Kasabay nito, nananawagan ako sa mga hotel, restaurant, caterers, supermarket, at iba pang food establishments na maging katuwang ng DSWD. Ang mga ligtas at dekalidad pang sobrang pagkain ay maaaring i-donate at dumaan sa food safety at quality inspection bago maipamahagi. Sa ganitong paraan, mababawasan ang food waste at mas marami pang pamilyang mabubusog.

Ang laban kontra gutom ay hindi laban ng DSWD lamang. Laban ito ng buong bansa. Kapag nagkaisa ang pamahalaan, pribadong sektor, at mamamayan, mas mapapalapit tayo sa araw na ang “Walang Gutom” ay hindi na lamang pangalan ng isang programa kundi magiging realidad. Kung may programang nararapat kilalanin at purihin ngayon, naniniwala akong isa na rito ang ‘Walang Gutom Program’ nina PBBM at Sec. Gatchalian.

WGP

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with