Mas pinalakas na karapatan ng konsyumer
Sa kabila ng maraming pagbabago sa sektor ng enerhiya, nananatiling prayoridad ang kapakanan ng mga konsyumer.
Kamakailan, nagsagawa ng pampublikong konsultasyon ang Energy Regulatory Commission (ERC) kaugnay ng panukalang roadmap para sa Customer Choice Programs. Layunin nitong palawakin ang karapatan ng mga konsyumer na pumili ng kanilang sariling supplier ng kuryente pagsapit ng 2031.
Mahalagang hakbang ito tungo sa mas bukas at competitive energy industry ng bansa.
Noong Hunyo, ibinaba ng ERC mula 500 kilowatts (kW) patungong 100 kW ang minimum na konsumo upang maging kuwalipikado sa Retail Competition and Open Access (RCOA). Dahil dito, tinatayang 12,000 karagdagang konsyumer ang nagkaroon ng pagkakataong pumili ng kanilang supplier.
Sa panukalang roadmap, inaasahang ibababa pa ang threshold sa 50 kW sa 2027 at 30 kW sa 2030.
Para sa Meralco, mahalagang suportahan ang mga ganitong reporma na nagbibigay ng mas maraming pagpipilian sa mga customer. Sa pamamagitan ng Competitive Retail Electricity Market (CREM), mas maraming kuwalipikadong customer ang maaaring pumili ng kanilang supplier batay sa presyo at serbisyong angkop sa kanilang pangangailangan.
Samantala, sa Green Energy Option Program (GEOP), nabibigyan sila ng pagkakataong pumili ng kuryenteng nagmumula sa renewable energy. Kabilang din dito ang Retail Aggregation Program (RAP), na nagbibigay-daan sa pagsasama-sama ng konsumo ng mga kuwalipikadong customer upang matugunan ang itinakdang threshold at makalahok sa retail competition.
Bilang distribution utility, patuloy na ginagampanan ng Meralco ang responsibilidad nitong maghatid ng ligtas, maaasahan, at de-kalidad na serbisyo ng kuryente, anuman ang piliing supplier ng mga kuwalipikadong customer.
Kasabay nito, mahalaga rin ang modernisasyon ng mga sistema, kabilang ang advanced metering infrastructure, upang maging mas maayos, malinaw, at episyente ang pagpapatupad ng customer choice programs.
Hindi lamang ito usapin ng pagpapalawak ng kompetisyon. Tungkol din ito sa pagbibigay ng sapat na impormasyon at proteksyon upang makagawa ang bawat konsyumer ng desisyong naaayon sa kanilang pangangailangan.
Sa Meralco, nananatili ang aming paninindigan: ang bawat pagbabago sa energy industry ay dapat maghatid ng tunay na benepisyo sa mga konsyumer.
- Latest















