EDITORYAL — Foreign grant para sa healthcare services
KAMAKAILAN, humingi ang Department of Finance (DOF) ng P724 million grant mula sa South Korea para palakasin ang healthcare services sa mga komunidad sa Luzon. Tinatayang 28 milyong Pilipino sa Ilocos Norte, Batangas, Pampanga at Bataan ang maaaring makinabang sa proyekto.
Magandang balita ito, lalo na dahil grant ang pondo at hindi kailangang bayaran ng Pilipinas.
Pero mas mahalaga kaysa sa halaga ng tulong ang tanong: mapapadali ba talaga nito ang pagpapagamot ng ordinaryong Pilipino?
Gagamitin ang pondo para palakasin ang Bagong Urgent Care and Ambulatory Services o BUCAS Centers, kabilang ang mas maayos na laboratory testing para sa tuberculosis, influenza surveillance at training ng laboratory personnel.
Mahalaga ang ganitong serbisyo dahil hindi lahat ng pasyente ay kailangang pumunta agad sa malalaking ospital.
Ang BUCAS Centers ay ginawa upang magbigay ng laboratory tests, minor procedures at iba pang outpatient services nang hindi kinakailangang ma-admit ang pasyente.
Layunin din nitong mabawasan ang siksikan sa tertiary hospitals.
Ito ang direksiyong dapat palakasin: healthcare na mas malapit sa komunidad, bago pa lumala ang sakit at bago pa mapilitang pumila ang pasyente sa ospital.
Karaniwan nang makikita ngayon ang mga nakapilang pasyente sa Philippine General Hospital at iba pang pampublikong ospital para sila magamot. Marami sa kanila ay sa lobby na natutulog para lamang makasama sa pila. Nakalulungkot na nagdadala sila ng karton para may mahigaan.
Sa mahalagang isyung ito na paghingi ng foreign grants, hindi naman dapat umasa na lamang dito habampanahon.
Kapag naitayo o na-upgrade na ang laboratoryo, kailangan pa rin ng trained personnel, regular na supplies, maintenance ng equipment at sapat na local budget upang tuluy-tuloy ang serbisyo.
Mahigit 60 BUCAS Centers na ang naitatag at mahigit 1.6 milyong Pilipino na ang napagsilbihan ng mga ito.
Ang hamon ngayon ay gawing mas malawak at mas matatag ang ganitong sistema.
Magandang simula ang P724 milyong grant.
Pero ang tunay na tagumpay ay kapag hindi na kailangang bumiyahe nang malayo, pumila nang maghapon o hintaying lumala ang sakit bago makakuha nang maayos na serbisyo.
Ang healthcare ay dapat inilalapit sa tao, hindi ang tao ang laging naghahabol sa healthcare.
- Latest















