Hindi monopolyo ng dfa ang usaping Foreign Affairs
Nakababahala ang pahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) na tila pinagsasabihan ang mga opisyal ng gobyerno, maging ang mga ordinaryong mamamayan, na maghinay-hinay sa kanilang mga pahayag tungkol sa China at West Philippine Sea. Ayon sa DFA, ang Pangulo ang chief architect ng Philippine foreign policy, at inaasahang susunod ang lahat sa kanyang mga direksyon at sa patakarang itinatakda ng kanyang foreign affairs team.
Totoo na ang Pangulo ang chief architect ng foreign policy at ang DFA ang pangunahing tagapagpatupad nito. Ngunit hindi ito nangangahulugang sila lamang ang may karapatang magsalita tungkol sa usaping panlabas. Kailan pa naging monopolyo ng mga career diplomat ang usaping panlabas?
Hindi monopolyo ng iilan ang usaping foreign affairs. Ito ay usaping pampubliko dahil nakataya rito ang ating teritoryo, soberanya, seguridad, at kinabukasan ng ating bansa. Kaya nararapat lamang na aktibong makilahok ang lahat, mula sa mga opisyal ng gobyerno, mambabatas, civil society, hanggang sa ordinaryong mamamayan. Hindi kailangang pare-pareho ang opinyon ng lahat para magkaisa sa pagtatanggol sa bayan.
Kung tutuusin, dapat ngang ikatuwa ng DFA na maraming Pilipino, kabilang ang mga opisyal ng gobyerno, ang handang magsalita at manindigan laban sa pang-aapi at agresyon ng China sa West Philippine Sea. Hindi ito sagabal sa diplomasya. Patunay ito na buhay ang ating demokrasya at hindi basta-basta isinusuko ng mga Pilipino ang kanilang karapatan at soberanya.
Makakatulong din ito sa Pangulo. Ang malawak na suporta ng taumbayan sa pagtatanggol sa ating soberanya ay nagbibigay ng higit na lakas, bigat, at demokratikong lehitimasyon sa kanyang patakarang panlabas.
Ang pahayag ng DFA ay hindi nakatutulong sa ating pambansang interes. Ang China lamang ang natutuwa rito. Habang abala ang China sa panggigipit sa ating bansa, tila abala naman ang DFA sa pagpapahina ng boses ng mga Pilipino. Kung may dapat pagsabihan, hindi ang mga Pilipinong nagtatanggol sa sariling bayan kundi ang China na patuloy na nanghihimasok sa ating karagatan.
Kung naiirita ang China sa ingay ng ating demokrasya, problema na nila iyon. Pero kung ang mismong DFA ang tila gustong bumusal sa kapwa nitong Pilipino, ibang usapan na iyan. Hindi katahimikan ang kailangan ng bansa. Ang kailangan natin ay mas marami pang Pilipinong magsalita, makialam, at manindigan.
- Latest















