^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Mabagal ang pag-usbong ng ekonomiya

Pilipino Star Ngayon

Iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na 2.1 percent lamang ang inilago ng ekonomiya sa third quarter ng 2026.

Ito na ang ikalimang sunod na quarter na bumagal ang pag-usbong ng ekonomiya at mas mababa sa 4 percent ang naitala kum­para noong nakaraang taon.

Hindi lang ito numero sa GDP report.

Kasabay ng paghina ng ekonomiya, uma­bot sa 7.8 percent ang inflation noong Oktubre, kaya mas mahal ang pagkain, enerhiya at iba pang pang-araw-araw na gastusin.

Mahina rin ang household spending dahil mas kaunti ang kayang bilhin ng bawat piso.

Ito ang mahirap na kombinasyon: mahina ang ekonomiya habang mahal ang buhay.

May mga problemang wala sa kontrol ng gobyerno, tulad nang nangyayaring Middle East conflict kung saan patuloy ang sigalot ng U.S. at Iran. Pero hindi lahat ay maaaring isisi rito.

Bumaba nang 15.1 percent ang public cons­truction sa third quarter.

Ayon sa mga economic manager, delays sa project validation, payments at implementation ang ilan sa mga dahilan.

Tama lamang na higpitan ang pagsusuri sa infrastructure projects matapos ang mga kontrobersiya sa flood control. Hindi dapat madaliin ang paggastos kung kuwestiyo­nable ang proyekto.

Pero hindi rin dapat mauwi sa pagkakapa­ralisa ng gobyerno ang paglilinis sa sistema.

Kapag natetengga ang lehitimong pro­yekto, naaantala rin ang bayad sa contractors, trabaho ng mga manggagawa at pagbili ng materyales.

Humihina ang negosyo at lalo pang buma­bagal ang ekonomiya.

Kaya dalawang bagay ang kailangang gawin nang sabay: pababain ang presyo ng pangu­nahing bilihin at pabilisin ang malinis, ma­ayos at kapaki-pakinabang na public investment.

Sa mga nangyayaring ito, may magandang senyales sa exports na lumago ng 8.6 percent, ngunit hindi ito sapat upang saluhin ang mahinang consumption, agriculture at investment.

Hindi kailangang mamili sa pagitan ng pag­laban sa korapsyon at pagpapabilis ng ekono­miya. Dapat tutukan ito pareho.

Linisin ang sistema, pero huwag hayaang tumigil ang mga proyektong nagbibigay ng trabaho, kita at pag-asa sa mga karaniwang Pilipino na labis na apektado.

PSA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with