^

PSN Opinyon

Psychological incapacity

IKAW AT ANG BATAS - Atty. Jose C. Sison - Pilipino Star Ngayon

Ang paglusaw ng kasal ng korte dahil sa psychological­ incapacity ng isa sa mag-asawa ay hindi nangangahulugan­ na sinisira na ang pundasyon ng pamilya bagkus ay pina­pahalagahan pa nga ang pagiging sagrado nito. Ang gina­­gawa lang ng korte ay hindi nito pinapayagan na magpa­tuloy pa ang taling nagbibigkis sa isang taong may sakit na psychological incapacity at walang kakayahan na gampanan ang mga obligasyon niya bilang asawa na manatili sa kasal. Ito ay pinapaliwanag sa kaso nina Remy at Danny.

Magsiyota sina Remy at Danny mula pa noong high school. Kahit na may pagdududa pa si Remy sa katapatan­ at pag-uugali ni Danny lalo sa pagiging lasenggo at sugarol nito ay pinili pa rin niya na sumama sa lalaki hanggang mag­pakasal sila. Hindi nga lang nagbunga ang kanilang pagsasama. Matapos ang pitong taon ay nagsampa si Remy ng petisyon para mapawalang-bisa ang kanilang kasal ng RTC alinsunod sa Art. 36 – Family Code dahil hindi raw kaya ni Danny na gampanan ang tungkulin sa kasal bilang isang asawa.

Ayon sa salaysay ni Remy ay isang linggo pa lang pag­katapos ng kasal nila ay nagulat na ang babae na malaman na naubos ni Danny sa sugal at sabong ang lahat ng perang natanggap nilang regalo sa kanilang kasal, imbes na ideposito sa banko.

Sa mga sumunod daw na buwan ay napansin naman nito ang pagbabago sa ugali ni Danny. Kahit pa nagbi­bigay si Remy ng tulong pinansyal para gawing kapital sa mga planong negosyo ni Danny ay lagi naman nauubos ito sa sugal at pag-inom kaya napipilitan siya na magdoble-kayod sa pinapasukan na dental clinic para lang may pambayad sila sa pagkain, kuryente at tubig.

Ang masama pa nito, kapag umuwi si Remy na walang pera para sustentuhan ang pagsusugal ni Danny ay panay ang pananakit at pagmumura nito sa kanya. Sa kanilang pag-aaway ay madalas din siyang takutin nito at tutukan ng kutsilyo. May ilang beses din na sinusuntok siya ni Danny at ang nagagawa lang ni Remy ay salagin ng braso ang mga ito kapag hindi niya sinuportahan ang bisyo ng asawa. Minsan pa nga ay pinagbantaan nito na susunugin ang bahay ng nanay ni Remy.

Nalaman din ni Remy na maraming karelasyon na ibang babae si Danny. Pati sustento ni Danny sa sariling ina ay pinasasagot nito kay Remy. Hindi rin alam ni Remy na nangutang si Danny ng P300,000 at dahil sa pananakot sa kanya ng pinagkautangan ng asawa ay tuluyang naospital ang pobreng babae dahil sa nerbyos. Nang hindi na niya makayanan ang lahat, nagreklamo na si Remy at nanay niya sa pulisya para makakuha ng Barangay Protection Order laban sa lalaki.

Ang istorya ni Remy ay sinegundahan nang maraming testigo pati ni Dr. Tamayo na sumuri kay Danny sa pamamagitan ng telephone interview. Ayon sa psychological report ni Dr. Tamayo, nasira ang pagsasama nila dahil sa psychological incapacity ni Danny na nagdulot nang paghihirap sa pag-iisip ni Remy.

Kahit tinatanggi ni Danny na mayroon siyang pscychological incapacity at kahit pa palusot nito na hindi naman grabe ang hindi nila pagkakaintindihanng mag-asawa ay pinagbigyan ng RTC ang petisyon at pinawalang-bisa ang kasal nina Remy at Danny. Naniwala ang RTC kay Remy at sa mga testigo niya pero pagdating sa Court of Appeals ay nabaliktad ang desisyon. Ayon sa CA ay hindi naman ganoon katindi ang psychological incapacity ni Danny dahil alam pa raw nito ang dapat na obligasyon sa misis at sa kanilang pamilya. Kahina-hinala rin daw ang ulat ni Dr. Tamayo dahil galing lang sa impormasyon na bigay nina Remy at ina nito samantalang si Danny ay sandali lang nakausap sa telepono ng doktor. Tama ba ang CA?

Mali. Ayon sa SC, ang mga kasal na walang bisa sa ilalim ng Art. 36 ng Family Code, hindi kumukunsinti sa patuloy na pagsasama sa kasal ng mga taong may sakit na psychological incapacity at walang kakayahan na tupdin ang obligasyon nila bilang asawa. Sinasalamin lang ng Family Code ang nilalaman ng Saligang Batas tungkol sa pananatili ng tibay at kasagraduhan ng kasal.

Sa kasong ito, napatunayan ni Remy ang patuloy na pagkasira ng relasyon nilang mag-asawa, may police report na talagang pinagbantaan ni Danny na susunugin ang bahay ng in ani Remy. Pati si Danny ay umamin na minsan na siyang nabigyan ng BPO dahil sa masasakit na salitan na paraan ng pang-aabuso niya sa asawa. Base rin sa mga rekord, maraming beses na isinangla ni Danny ang mga alahas ni Remy pati binentahan pa niya ang nanay ni Remy ng baril para sa pansariling interes. Lahat nito ay ginawa niya na hindi man lang tumutulong na magtrabaho at iniwan lahat sa kanyang misis ang responsibilidad na buhayin sila ng pamilya. Inabandona at hiniwalayan din ni Danny si Remy matapos ang pitong taon nilang pagsasama.

Tungkol naman sa psychological report ni Dr. Tamayo na kinukuwestiyon ng CA, naituro dito sa ulat ang lahat ng tests na ginawa kay Remy pati pinaliwanag ang psychological incapacity ni Danny na nag-ugat sa pagpapalaki sa kanya bago pa niya nakasama si Remy. Ang kanyang masalimuot na pamilya ang nagmulat sa kanya sa kawalan ng responsibilidad  sa kasal. Galing siya sa broken family  at ang naging modelo niya sa paglaki ay ang kanyang mga magulang. Samakatuwid, hindi tama na ipagwalang-bahala ang ulat ni Dr. Tamayo na isang clinical psychologist sa loob ng 30 taon.

Sa kabuuan, ang psychological report, idagdag pa ang lahat ng ibang ebidensiyang inihain ay sapat upang magkaroon ng deklarasyon na may psychological incapacity si Danny at hindi niya kayang gampanan ang mga tungkulin bilang isang asawa. Ang mga katangian na kanyang ipinakita bago at matapos ang kasal ay hindi lang nagpapakita na hirap siya o ayaw niyang gampanan o pinabayaan niya ang kanyang mga tungkulin dahil mahigit 10 taon niyang hiniwalayan ang misis kaya nagpapakita ito na sira na talaga ang kanilang pagsasama at hindi na talaga matatanggap ng mag-asawa na kailangan nila ang isa’t isa sa relasyon nila.

Ang pagtupad ng mga obligasyon sa kasal ay depende sa desisyon ng simbahan at sa tiban ng kanilang relasyon. Ang kawalan ng kakayahan na makihati at suportahan ang kanilang pagsasama ay nakakasira sa nasabing relasyon pati sa pagtupad ng tungkulin nila bilang mag-asawa. Ang kakayahan ng isa ay hindi dapat tingnan ng solo kundi dapat na ikunsidera base sa relasyon nilang dalawa (De Silva vs. De Silva and Republic of the Philippines, G.R. 247985, October 13, 2021).

vuukle comment

KASAL

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with