Sintomas ng sakit na dapat tandaan
Narito ang mga sintomas ng sakit na dapat tandaan:
1. Inuubo—Kalimitan ng inuubo ay dahil sa trangkaso, allergy o dahil sa paninigarilyo. Ngunit may mga seryosong ubo na nanggagaling sa tuberculosis at kanser sa baga. Kapag matindi na ang ubo, magpa-chest X-ray.
2. Nauuhaw, at ihi nang ihi—Kakaiba talaga ang sintomas ng diabetes. Dahil mataas ang asukal sa dugo, lumalabas tuloy ang tubig at asukal sa ating ihi. Dahil dito, ihi ng ihi ang pasyente at lagi pa siyang nauuhaw. Ang iba ay pumapayat kahit malakas naman kumain. Huwag matuwa kahit pumapayat, dahil baka diabetes na iyan. Ipagamot agad sa doktor.
3. Nangingitim ang paa at binti—Isa pang senyales ng diabetes ay ang pamamantal at pangingitim ng paa. Ito’y dahil sinisira ng diabetes ang mga ugat sa paa at nagkukulang ang daloy ng dugo at oxygen dito. Uminom ng gamot sa diabetes bago lumala.
4. Nilalanggam ang ihi—Naku, siguradong diabetes na iyan. Mataas ang asukal sa dugo at lumalabas ito sa ihi.
5. Maraming bula sa ihi—Posibleng may sakit sa bato o kidney. Normal lang ang makakita ng bula sa ihi, pero may pagkakataon na marami ang bula at hindi kusang nawawala. Posibleng may protina na lumalabas sa ihi. Ipasuri ang ihi at baka may diprensiya na ang bato.
6. Kumikipot ang dumi—Nakakatakot ang colon cancer, ang sakit ni Presidente Cory Aquino. Wala itong malinaw na sintomas. Ngunit kapag nagbago ang anyo ng dumi na para bang hugis lapis, posibleng may nagbabara sa malaking bituka. Ito’y isang senyales ng colon cancer. Magpasuri sa isang gastroenterologist.
7. Matinding sakit ng ulo at pagkahilo—Posibleng istrok, altapresyon, o tumor sa utak ang dahilan. Una sa lahat, magpa-check ng blood pressure. Kapag lampas ito sa 140 over 90, posibleng altapresyon ang dahilan ng sakit ng ulo. Kapag nanghina o namanhid ang isang parte ng katawan, posibleng istrok na ito. Magpakita agad sa doktor.
8. Mabigat ang dibdib—Bantayan ang sakit sa puso. Kung ika’y edad 40 pababa at wala namang ibang sakit, marahil ay hindi delikado ang pananakit ng iyong dibdib. Ngunit, kung may iba ka pang karamdaman, tulad ng altapresyon, may katabaan, mataas ang kolesterol, at may diabetes, kailangan ipa-check agad ang iyong puso. Huwag balewalain ang mga sintomas na ito.
- Latest