Nagiging pabigat ang gobyerno
NAPAPANSIN n’yo ba ang ginagawa ng gobyerno sa atin? Pinagagawa nito sa atin ang animo’y makakabuti sa atin. Natural may gastos ang mga “kabutihang” ‘yon. Pero hindi tayo tinutulungan ng gobyerno sa mga gastusin. Sa halip, nagpapabigat pa nga ito sa pang-araw-araw na buhay.
Iehemplo ang ipinasang batas na nagpahaba ng maternity leave mula 90 hanggang 105 na araw. Siyempre mabuti ‘yon para sa mga manganganak na empleyada sa pribadong kumpanya o sa gobyerno. Mas makakapag-pahinga sila, at mapagtutuunan ng pansin ang sanggol. Pero ang sisti, wala namang ibinigay na tulong ang mga mambabatas sa mga kumpanya para tustusan ang dagdag na leave benefits. Bahala na ang mga kumpanya. Buti sana kung lahat sila ay mga higanteng kumikita ng bilyun-bilyong piso kada taon. Pero 98% ng mga kumpanya ay maliliit. Mabibigatan ang mga ito sa dagdag gastos sa pabenepisyo. Bawal silang pumalya, kundi’y mamumultahan at makukulong ang mga may-ari. Samantala, ang mga mambabatas na nagpasa ng batas ay humahagod ng mahigit tig-P1 bilyong ilegal na pork barrel. Pabigat!
Iehemplo rin ang dagdag na 1% kontribusyon ng employer sa SSS ng bawat empleyado. Siyempre mabuti ‘yon para sa SSS; mapapahaba ang buhay nito hanggang 2045; maseserbisyuhan ang mga batang manggagawa ngayon sa pagretiro nila sa edad-65. Umikli kasi ang buhay ng SSS, hanggang 2032 lang, nang magbigay ito ng P1,000 buwanang dagdag sa mga pensiyonado. Nakabuti rin ang dagdag-pensiyon sa mga retirado at magreretiro. Pero -- muli -- walang binigay na tulong ang gobyerno sa mga maliliit na kumpanya na masasaktan sa dagdag-kontribusyon para sa SSS ng bawat empleyado.
Sa pagsisiwalat ni Sen. Panfilo Lacson, halos P390 bilyon ang pork barrels na isiningit ng mga mambabatas sa 2019 national budget. Dapat alisin ‘yun. Kaltasan ng katumbas na halaga ang bayaring buwis ng maliliit na kompanya -- para naman may maprobetse sila sa gobyerno.
- Latest