Kayo na lang
Ang Huwes ay kailangang laging impartial. Wala dapat itong kinikilingan o pinapanigan. At upang maiwasan ang anumang hinala tungkol dito, itinakda ng batas na sa mga sumusunod na sitwasyon: (a) kapag may pinansyal na koneksyon ang huwes o ang kanyang asawa o anak sa kasong dinidinig; (b) kung kamag-anak ang kahit sinong partidong naglilitis o yung mga abugado nila; (c) kung siya mismo ay dati nang naging bahagi ng kaso bilang abogado; o (d) kung sarili niya itong desisyon noong siya’y huwes sa mas mababang hukuman, maari itong kusang bumitiw o i-disqualify ang sarili. Maliban sa mga dahilang ito, kung sa tingin ng Huwes na mayroong iba pang makatwirang dahilan (for just and valid reasons) para hindi hawakan ang isang kaso o para bumitiw sa isang kasong hinahawakan na ay pwede rin itong gawin. Ganito ang patakaran sa disqualification of judges sa ilalim ng Rules of Court ng Pilipinas.
Sa mga nalilito sa nangyaring sabayang pagbibitiw ng tatlong Sandiganbayan 5th division Justices sa pagdinig sa kaso ni Senador Jinggoy Estrada, ito ang probisyon ng batas na kanilang tinutukoy. Nahirapan lang kasi ang lipunang intindihin ang nangyari dahil unang beses lamang ito nangyari sa kasaysayan ng Sandiganbayan o ng kung anumang mataas na hukuman. Karaniwan ay isang mahistrado lang ang hihingi na i-disqualify ang sarili. Ngayon lang nating nasaksihan na ang buong dibisyon ay nagdeklara na sinusurender nila ang pagdinig sa kaso.
Kung idagdag pa dito ang idinahilan nila na “personal reasons” para bumitiw, sino ang hindi mapapaisip na may kalagimang nagaganap? Hindi basta basta hihingi ng disqualification ang isang mahistrado dahil mapupulaan sigurado itong tinatakbuhan ang katungkulan sa ilalim ng batas.
Nagkakalaman tuloy ang akusasyon ng isang diyaryo na ang tatlo ay sumuko bilang protesta sa hindi maawat na pagpressure sa kanila ng Palasyo upang tuluyan si Sen. Jinggoy Estrada. Hindi dito natatapos ang isyu ng disqualification ng tatlo. Kailangan malaman ang katotohanan nang hindi maapektuhan ang tiwala ng mamamayan sa judicial system at sa katapatan ng mga taong nanunungkulan.
- Latest