Ano na ang mangyayari?
HINDI ito ang balitang gusto nating marinig hinggil sa kaso ng Maguindanao massacre. Magkatunggali ngayon ang mga abogado na naglilitis sa mga pangunahing suspek sa nasabing karima-rimarim na krimen. Ang mga abogado ng gobyerno at mga pribadong abogado ng mga biktima ang nagbabanggaan ngayon. Inakusa ng pribadong abogado na nasuhulan na umano ang mga abogado ng gobyerno. Handa na sanang tumigil ang panig ng gobyerno sa kanilang paglilitis nang inakusa ni Atty. Nena Santos na tangkang suhulan ang mga abogado ng DOJ sa halagang tatlongdaang milyong piso. May mga ebidensiya siya umano para patunayan ang kanyang mga akusasyon.
Natural na umangal ang mga abogado ng gobyerno. Madiing itinanggi ni Justice Undersecretary Francisco Baraan III at ni Senior Deputy State Prosecutor Richard Anthony Fadullon ang mga akusasyon ni Santos. Kung may ebidensiya daw si Santos, dapat nagreklamo na muna siya kay DOJ Sec. Leila de Lima o magsampa na siya ng kaso laban sa kanila, at hindi idinaan sa media. At habang nagtatalo at nagtuturuan ang mga abogado ng prosek-yusyon, bumitiw naman ang mga pangunahing abogado ng mga akusadong Ampatuan. Kaya ang tanong, ano na ang mangyayari sa kaso na mag-lilimang taon na?
Sinadya daw ng mga abogado ng mga Ampatuan ang pagbitiw para lalong maantala ang kaso, bagama’t walang ibinigay na dahilan ang mga nasabing abogado, kasama ang kilalang Atty. Sigfrid Fortun. Pero may pahayag na may mga abogado na raw ang mga akusado. Ganun pa man, talagang tumatagal ang kasong ito. Inasahan pa naman na bibilis ang takbo ng kaso sa ilalim ng administrasyong Aquino. Pero ngayon, nag-aaway pa ang mga magkakampi! Hindi ko maisip ang pakiramdam ng mga kamag-anak ng biktima sa nagaganap na gulo. Tila nabibigo na sila sa kanilang paghanap ng hustisya.
Kailangan maayos kaagad ang gulo, para matuloy ang paglilitis. Mahalaga na makuha ng mga bikitma ang hustisya sa napakasamang krimen na ito. Mag-iimbestiga na rin ang NBI sa nasabing suhulan. Diyan pa lang alam mong lalong tatagal pa ang kaso ng Maguindanao massacre.
- Latest