Masustansyang pagkain (Part 2)
MULA sa artikulo ko noong isang linggo, heto ang mga naunang healthy na pagkain sa ating listahan: (1) mga berde na gulay, (2) isda na may Omega 3, (3) kamatis, (4) Citrus fruits tulad ng calamansi, suha at dalandan, (5) carrots, at (6) saging.
Heto pa ang mga susunod sa listahan ng pinaka-healthy na pagkain.
Gatas, keso o yoghurt – Ang mga produkto ng gatas tulad ng mga nabanggit ay matatawag nating “complete foods.†Bakit? Dahil ang gatas ay may protina, may carbohydrates at may taba din. May calcium pa para sa kababaihan. Nakita niyo ba ang laki at lakas ng mga Americano? Ginagawa kasi nilang tubig ang gatas eh. Sa mga gustong magpapayat, low-fat milk na lang.
Bawang – Ang bawang ay may tulong sa pagpapababa ng kolesterol. Mag-ingat lang sa pagkain nito at puwedeng humapdi ang inyong tiyan.
Mansanas – An apple a day, keeps the doctor away. Tunay po iyan. May vitamin C at may pectin ang apple na nagtatanggal ng dumi sa katawan. Nakakabusog pa ito at puwedeng pang-diyeta.
Tubig – Sinali ko ang tubig sa listahan dahil marami sa ating Pinoy ay kulang sa pag-inom ng tubig. Lalo na ngayong tag-init, kailangan uminom ng 8-12 basong tubig. Makatutulong ito sa pag-iwas sa impeksiyon sa ihi, panlinis ng katawan, pagbawas ng acid sa tiyan at pampaganda rin ng ating kutis. Siguraduhin lang na malinis ang inyong tubig para hindi ma-typhoid o cholera. Distilled water ang pinakamainam.
Mayroon pang 10 sa aking listahan na idaragdag ko: (11) Ampalaya para sa diabetes; (12) monggo na mataas sa protina at mura pa; (13) luya tulad ng salabat para sa boses at pagsusuka; (14) oat meal para sa pagpababa ng kolesterol; (15) kamote dahil may Vitamin A ito; (16) wheat bread dahil mataas ito sa fiber; (17) taho at tofu; (18) tsa-a tulad ng green tea; (19) buko at buko juice para sa kidneys; at (20) mani para sa ating utak.
Sana po, itago ninyo ang listahang ito at maipamahagi sa inyong mga kaibigan. O kaya naman ay sabihan sila na bumili ng Pilipino Star NGAYON at PM Tabloid kung saan ilalathala ko ang mga payo para sa ating kalusugan. Good luck po!
- Latest