Theme park tungkol sa COVID-19 pandemic, matatagpuan sa Vietnam!
Isang weird na theme park sa Da Lat, Vietnam ang umaani ng atensiyon online dahil sa kakaiba nitong tema—ang COVID-19 pandemic. Tinatawag itong “COVID-19 Park,” at bahagi ito ng Tuyen Lam Lake National Tourist Complex. Ang parke ay naglalaman ng higit sa 80 istatwa at installation na naglalarawan sa pandaigdigang laban kontra sa pandemya.
Kamakailan, naging viral ang post ng isang British tourist na si Ella Ribak, 29-anyos, matapos niyang ibahagi ang kanyang karanasan sa parke. Sa video na kanyang ipinost sa TikTok, makikita ang mga kakaibang likha tulad ng malalaking pathogen na may googly eyes, mga virus na nakalagay sa “kulungan”, at mga istatwa ng bakuna na tila tinatapos ang laban kontra virus.
“Napaka-weird ng tema nito,” sabi ni Ella sa kanyang mga post. Sa kanyang paglilibot, natuklasan niya ang mga detalyeng nagpapalakas sa pagiging ‘weird’ ng lugar, tulad ng isang orasan na nagtatampok ng mga simbolo ng pandemya—mga face mask, bakuna, at mga disinfecting suit.
Isa sa mga pinakakapansin-pansing bahagi ng parke ay ang istatwa ng isang pathogen na may malalaking mata na nakakulong sa likod ng mga rehas. Mayroon ding eksena kung saan ang virus ay dala ang planet earth sa isang wheelbarrow. Bagamat may halong katatawanan, maraming nagtanong kung ang tema ba ng parke ay naaayon sa kaseryosohan ng naging epekto ng pandemya.
Para naman kay Ella, ang kanyang pagbisita ay masasabing masaya, kahit hindi malinaw kung ano ang nais iparating ng parke. “Napakahirap tukuyin kung seryoso ba ito o hindi, pero nag-enjoy kami,” sabi niya.
- Latest