EDITORYAL - Lambatin ang mga kasabwat ni Garcia
MAY mga kasabwat pala ang dating comptroller ng Armed Forces of the Philippines na si Carlos Garcia kaya nakapaglimas nang husto sa kaban ng yaman. Sabi na nga ba at hindi niya magagawang limasin ang pera ng AFP kung nag-iisa lamang siya. Imposible na makakilos siya na hindi nahahalata habang sinisimot ang yaman. At umano’y mga matataas na opisyal ng AFP at Department of National Defense ang kasabwat ni Garcia.
Magandang marinig sa pamunuan ng AFP na handa silang makipagtulungan para mahubaram ang mga opisyal na kasabwat ni Garcia sa pagnanakaw. Sabi ni AFP spokesman Brig. Gen. Jose Mabanta na handa silang magbigay ng mga ebidensiya na makatutulong para maimbestigahan ang mga dating opisyal ng military at national defense. Ipakikita umano nila na mayroong transparency sa pag-iimbestiga lalo pa nga at ang nasasakdal ay mismong mga opisyal ng sandatahang lakas. Hindi raw nila kukunsintihin ang mga gumawa ng kasalanan. Hinding-hindi nila poprotektahan ang sinumang mapapatunayang nagnakaw sa pera ng bayan. Ipakikita umano ng AFP na wala silang pinapanigan. Sa pamamagitan aniya ng pagtulong na matukoy ang mga kasabwat ni Garcia, mapapanatili ang magandang pangalan ng AFP.
Mabuti naman at nagsalita na ang AFP sa kaso ni Garcia. Matagal ding nanahimik ang AFP kaya naman lumutang na kinakalong nila ang heneral na lumimas ng P300 milyon. Kinasuhan na ng plunder si Garcia, ganundin ang asawa nito at dalawang anak. Nadiskubre ang pagnanakaw ni Garcia nang mahuli ang kanyang asawa at anak sa US airport na may dalang $100,000. Hindi maipaliwanag kung saan kinuha. Hanggang sa magkaroon ng imbestigasyon at nalantad ang pagkamal nila ng pera mula sa kaban ng AFP. Nahatulan si Garcia noong 2005 ng hard labor.
Hanggang mabunyag ang plea bargaining agreement ni Garcia sa Ombudsman. Nag-plead ng guilty si Garcia para mapababa ang kaso. Ibabalik din daw ang ninakaw ni Garcia. Nakapagpiyansa si Garcia kaya nakalaya.
Pero ngayong handa na ang AFP na hubaran ang mga kasabwat ni Garcia, maaaring madikdik siya sa matinding kaso at mas marami pa siyang makasama sa kulungan. Dapat malambat ang mga kasabwat ni Garcia.
- Latest
- Trending