^

PSN Opinyon

Tama na, taunang pagkalunod ng bayan

ORA MISMO - Butch M. Quejada - Pilipino Star Ngayon

TUWING tag-ulan, paulit-ulit tayong binabaha. Parang wala nang bago. Paulit-ulit ang sakuna, paulit-ulit ang pagsisisi, pero walang malinaw na direksiyong tinatahak. Samantalang matagal nang may mga taong may alam, may karanasan, at may tunay na malasakit isa na rito si Felino “Jun” Palafox.

Hindi simpleng arkitekto si Palafox. Isa siyang beterano sa larangan ng urban planning na kilala hindi lang dito sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa. Sa loob nang maraming taon, paulit-ulit niyang binibigyang-babala ang pamahalaan tungkol sa kapalpakan sa ating pag-unlad na puro semento, kulang sa sentido komun, at walang konsiderasyon sa kalikasan.

Kasama sa kanyang mga mungkahi ang muling pagbuhay sa mga ilog, estero, at natural na daluyan ng tubig. Itinutulak niya ang pagtatayo ng rainwater catchment systems, retar­ding basins, at green open spaces hindi lang para bumaba ang baha, kundi para maging mas maaliwalas at ligtas ang mga lungsod. Panahon na raw para iangat ang antas ng kaalaman ng mga gumagawa ng desisyon.

Ang totoo, hindi bagyo ang tunay na dahilan ng baha. Tao ang problema. Kapabayaan, pansariling interes, at kultura ng kawalang-pakialam. Marami sa ating mga lider ang mas interesadong ipitin ang estero para sa condo kaysa ipa­gpatuloy ang plano para sa ligtas na komunidad. Ang tanong: hanggang kailan ito titiisin?

Kung noon pa lang ay sineryoso ang mga plano ni Palafox, baka hindi na taun-taon tayong nalulubog. Pero pinili ng ilang nasa kapangyarihan ang makisabay sa agos ng kita imbes na pigilan ang agos ng sakuna. Habang pinapanood ko ang mga bata na muling lumulusong sa baha sa eskinita, sana maalala: may mga solusyon. May mga boses na dapat noon pa pinakinggan.

Ang kailangan ay tapang hindi para sa publicity, kundi para ipatupad ang tama. Disiplina hindi para lang sa mahihirap, kundi para sa lahat. At higit sa lahat, malasakit para sa kinabukasan ng bawat Pilipino.

Kung hindi kikilalanin at susuportahan ang mga tulad ni Palafox, baka isang araw, hindi na baha lang ang mawala sa ilalim ng tubig kundi mismong pag-asa ng bayan.

Paalala ng sumulat: Ito’y opinyong isinulat ng isang ma­mamayang sawang-sawa na sa paulit-ulit na pagbaha at pag­kakalimot. Walang layuning manira o magpakitang-gilas, layunin lang nitong muling ipaalala na hindi pa huli ang lahat, kung makikinig sa matagal nang may tamang sinasabi.

SAKUNA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with