Huwag hayaang masira ang kidneys
1. Kung ang isang tao ay may diabetes o high blood pressure, bantayang mabuti ang kidneys. Ang diabetes at altapresyon ay nakasisira sa kidneys pagkaraan ng limang taon pataas. Bantayan at i-kontrol ang antas ng blood sugar at blood pressure. Magagawa ito sa pamamagitan ng diyeta, ehersisyo at pag-inom ng maintenance na gamot.
2. Kadalasan, walang nararamdaman ang mga may sakit sa kidneys. Kapag may kidney failure na, humihina na ang daloy ng ihi. Huwag paabutin sa ganitong kondisyon bago magpagamot.
3. Makikita sa urinalysis kung may impeksiyon, dugo o protina sa ihi. Kapag nag-positibo sa albumin sa urinalysis, maaaring may sakit na sa kidneys. Magpatingin sa kidney specialist.
4. Kapag mataas ang creatinine level, ibig sabihin ay posibleng may sira na ang kidneys. Kadalasan, tumataas lamang ang creatinine kapag may 50 percent damage ang kidneys. Magpatingin agad sa doktor.
5.Huwag sobrahan ang pag-inom ng Vitamin C. Hanggang 500mg lang ng Vitamin C ang nirerekomenda. Ang sobrang vitamin C ay puwedeng magdulot ng kidney stones. Ang kidney stones ay puwedeng umabot sa kidney failure kapag hindi naagapan.
6. Limitahan ang paggamit ng pain relievers. Ang mga pangkaraniwang pain relievers tulad ng mefenamic acid, ibuprofen, at mamahaling pain relievers tulad ng celecoxib ay puwedeng makasira ng kidneys. Kailangan ay limitahan ang paggamit nito sa isang linggo lamang. Pagkatapos ay ipapahinga muna ang kidneys, bago muling bigyan ng gamot sa kirot. Kaya kung ika’y may arthritis, lagyan na lang ng mainit na tubig ang tuhod at gumamit ng paracetamol tablet.
7. Uminom ng sapat na tubig araw-araw. Ang pangkaraniwang payo ng doktor ay ang pag-inom ng walong basong tubig sa isang araw. Makatutulong ito sa pag-iwas sa kidney stones o bato sa bato.
8.Bawasan ang alat sa pagkain at limitahan ang protina sa pagkain. Kumain ng isda, gulay at prutas.
* * *
Pamamanhid ng katawan
Madalas ka bang makaramdam ng pamamanhid? Baka dahil ‘yan sa carpal tunnel syndrome.
Ang kondisyong ito ay nangangahulugang na ang ugat (median nerve) na nagbibigay ng lakas sa kamay ay naiipit. Ipahinga ang iyong mga kamay.
Ang isa pang karaniwang lugar ng pamamanhid ay sa hita sa pag-upo at paghiga. Ito ay dahil sa naiipit ang sciatic nerve sa may balakang.
Ngunit dalawang mas malubhang sanhi ng pamamanhid ay stroke at diabetes. Bagamat bihira lamang ito, may ilang pasyenteng na-stroke na nakaramdam ng bahagyang pamamanhid sa katawan.
Kaya naman kung may pag-aalinlangan, ang mga doktor ay maaaring mag-request ng CT Scan sa ulo para masuri ang stroke.
Ang diabetes ay maaari ring maging sanhi ng pamamanhid, karaniwan sa mga binti at paa. Kung hindi mo mapananatili ang iyong blood sugar ng mas mababa sa 120 mg/dl, maaari itong magresulta sa pinsala sa mga ugat.
Ang may diabetes ay dapat mag-ingat sa kanilang mga binti dahil ang karaniwang senaryo ay ang pagkakaroon ng pamamanhid sa paa muna, pinsala sa paa at impeksiyon.
Sa mga napabayaang mga kaso, maaari itong humantong sa amputation o pagkaputol ng paa.
- Latest
















