EDITORYAL — Kapag may darating na bisita, saka naglilinis
NITONG mga nakaraang araw, nagdatingan na sa Metro Manila ang mga lider at delegado para sa 49th ASEAN Summit and Related Meetings.
Kasabay nito ang malawakang paglilinis, clearing operations at traffic preparations sa Pasay, Parañaque at mga lugar malapit sa summit venues.
Walang masama sa malinis na kalsada, maayos na sidewalk at ligtas na ruta. Bilang host country, natural lamang na ihanda natin ang lungsod at tiyakin ang seguridad ng mga bisita.
Pero may simpleng tanong: bakit kailangang may international summit bago makita ang ganitong klaseng pag-aayos?
May mga vendor at maliliit na negosyo na pansamantalang pinatigil sa operasyon. Sa Baclaran, may mga manggagawang nawalan ng arawang kita habang sarado ang kanilang pinagtatrabahuhan.
May mga ulat din tungkol sa paglipat ng street dwellers at pagtatayo ng mga harang sa ilang lugar na daraanan ng mga delegado.
May lehitimong dahilan ang gobyerno sa ilang clearing operations, kabilang ang seguridad at traffic management.
Pero hindi dapat maging kapalit ng magandang imahe ang kabuhayan at dignidad ng mga taong naroon araw-araw.
Kung kayang linisin ang sidewalks, ayusin ang public spaces at gawing mas maayos ang trapiko para sa foreign dignitaries, dapat kaya rin itong gawin para sa ordinaryong commuter kahit walang summit.
Kung problema ang street vending, kailangan nang maayos at permanenteng lugar para sa mga vendor.
Kung mga palaboy ang problema, hindi sapat ang ilipat lamang sila sa lugar na hindi makikita ng camera.
Ang tunay na urban improvement ay hindi bagong pintura, tarpaulin o ilang araw na clearing operation.
Kailangan nito ng regular na waste management, maayos na sidewalks, public transport, housing at pangmatagalang livelihood solutions.
Lilipas ang ASEAN Summit at aalis din ang mga bisita. Ang mas mahalagang tanong ay kung mananatili ba ang kaayusan pagkatapos nilang umuwi.
O balik sa dati na marumi, matrapik at wala sa kaayusan ang mga lugar na malapit o nasa paligid nang pinagdausan ng summit.
Dapat malinis, ligtas at maayos ang Metro Manila hindi dahil may bisita, kundi dahil dito nakatira ang mga Pilipino. Panatilihin sana ang ganito sa lahat nang oras at gawing permanente.
- Latest















