Torre vs Baste
MAUUNSIYAMI pa yata ang fund raising para sa mga sinalanta ng Bagyong Crising at habagat matapos sabihin ni Davao acting mayor Sebastian Duterte na kailangan ipaalam muna ni PNP chief General Nicolas Torre III kay President Ferdinand Marcos Jr., na magpa-drug test ang lahat ng mga opisyales nito.
Matatandaan na hinamon ng suntukan ni Baste si Torre na kumasa naman. Sabi ni Torre, papayag siya kung gagawin ang laban sa Araneta at ang proceeds o kikitain sa laban ay ido-donate sa mga biktima ng Crising at habagat. Maraming naapektuhan ng bagyo at habagat. Nagmistulang water world ang Metro Manila noong Lunes dahil sa walang patid na pag-ulan.
Kung matutuloy ang bakbakan nina Baste at Torre, siguradong limpak-limpak na pera ang makokolekta. Tiyak ko, maraming manonood sa laban.
Nakita ko sa mga post sa social media na todo ang pagsasanay ni Torre. At ganundin naman si Baste. Pareho silang naghahanda.
Pero nabasa ko ang komento ng netizens na maaring hindi patulan ni Torre ang hamon ni Baste. Mayroon namang nagsasabi na papatulan ni Torre ang hamon. May mga nagsabi na sa halip magsuntukan, ang harapin ay ang problema ng kagutuman at mga pangangailanagn ng mamamayan. Huwag na raw pansinin ang pagsusukatan ng lakas at tapang.
Naalala ko na noon ay may nangyari na ring paghahamon mula sa pamilyang Duterte kay radio anchorman Waldy Carbonell na magbarilan sila sa plaza. Hindi tinanggihan ni Carbonell ang hamon at lumutang itong ito sa lugar ng duwelo.
Pero wala namang sumipot sa naghamon.
Kaya para sa akin, huwag na lamang pansinin ni Torre ang hamon at sa halip ang harapin ay ang pagbibigay ng proteksyon sa taumbayan. Ipagpatuloy ang five minutes response na inorganize ng PNP chief at may maganda itong resulta sa mamamayan.
Huwag nang pansinin ni Torre si Mayor Baste dahil ang masisira ay ang imahe ng PNP sa hinaharap. Harapin ni Torre ay nagba-viral na mga riot ng mga kabataan at itong pambu-bully ng mga estudyante sa kanilang mga kamag-aral. Marami pang dapat tuunan ng pansin si General Torre.
- Latest

















