Gov’t communicators, pasado sa bayan!
Hindi biro ang maging spokesperson ng gobyerno. Kapag may kontrobersiya, sila ang humaharap sa media. Isang maling pahayag, puwedeng masira ang kredibilidad ng ahensiya. Kaya mahalagang kilalanin ang husay at panindigan ang katotohanan.
Sa Boses ng Bayan survey ng RPMD Foundation Inc., katuwang ang iSTORYA! News at 1NewsPH, labindalawang government communicators ang nagtala ng 80.1% hanggang 87.8% Index of Governance (IOG). Bahagi sila ng nationwide survey sa 10,000 respondents noong Nobyembre 2–8, 2026.
Sa hustisya, overall Rank 1 si Assistant Ombudsman Mico Clavano (87.8%), Rank 2 si DOJ Asec. Polo Martinez (85.9%), at Rank 5 si Supreme Court spokesperson Atty. Camille Ting (80.4%). Mabigat ang magpaliwanag ng kaso nang may paggalang sa due process.
Sa Presidential Communications Office, overall Rank 1 si Usec. Atty. Claire Castro (86.5%), habang Rank 3 si Usec. Mon Ilagan (83.6%). Sila ang nagpapaliwanag ng mga desisyon ng administrasyon. Hindi puwedeng puro press release; kailangan ding sagutin ang matitinding tanong.
Sa badyet, overall Rank 1 si DBM Usec. Goddes Hope Libiran (86.3%). Rank 2 si DSWD Asec. Irene Dumlao (85.7%), samantalang Rank 3 si DepEd Asec. Cilette Liboro (84.1%). Pondo, ayuda, at edukasyon ang usapan—mga serbisyong dapat malinaw sa bawat pamilyang Pilipino.
Sa seguridad, overall Rank 3 si AFP Col. Margarith Padilla (82.5%), Rank 4 si PNP PBrig. Gen. Allen Rae Co (82.1%), at Rank 5 si Coast Guard Commo. Noemie Cayabyab (80.1%). Sa imprastraktura, Rank 4 si DPWH Asec. Michelle SJ-De Vera (81.8%). Kailangan ang tumpak na impormasyon.
Bilang global affairs at political analyst, malinaw ang mensahe: positibo ang pagsusuri ng respondents sa pagganap ng mga opisyal. Hindi ito paligsahan sa publicity. Ang mataas na marka ay pagkilala, ngunit may obligasyong magpaliwanag, tumanggap ng kritisismo, at managot.
May ±1% nationwide margin of error at 95% confidence level. Ang hamon: panatilihin ang tiwala ng bayan. Hindi sapat ang magaling magsalita. Sa gobyerno, ang husay ay nasa malinaw na paliwanag, matapat na sagot, at serbisyong may pananagutan!
- Latest



















