Holdaper na mga pulis wawalisin na sa imahe ng PNP
Nang dahil sa kinang ng alahas na nagkakahalaga ng P700K, malamang na mawawalis na sa Philippine National Police (PNP) itong Police Major at 5 pa niyang mga kasamahan matapos na positibo itong kilalanin ng kanyang kabaro na pulis na kaibigan ng negosyante na kanilang hinoldap sa Caloocan City. Ang masaklap pa nito, sikat na sikat na itong opisyal kasama ang kanyang mga kabarong pulis na holdaper matapos na mag-viral nang iharap ito sa press conference ni National Police Commission (NAPOLCOM) Commissioner Rafael Vicente Calinisan na kung saan mismong biktimang pulis ang nagturo sa mga holdaper.
Ayon sa salaysay ng biktima, nakilala niya ang mga pulis na holdaper dahil nakasama na niya ito sa inuman. Kung sabagay itong pulis na nagtuturo sa mga suspek ay lehitimong miyembro ng PNP Drug Enforcement Group kaya’t malaki ang paniniwala ng madlang pipol na pinagplanuhan ng mga ito bago isinagawa ang panghoholdap. Lumalabas kasi na ang naging ka-transaksyon sa bentahan ng alahas ay mismong pulis kaya’t swabe ang bentahan, subalit nang itakda ang lugar na pagkikitaan ay binago ito at sa harap na ng fastfood chain isinagawa kaya’t kitang-kita rin sa CCTV ang pagdating ng motorsiklo na may angkas at may kasunod itong isang kotse. Doon na lumapit itong isang lalaking naka-puting t-shirt at tinutukan ang mga biktima sabay hatak para padapain at lumapit pa itong mga kasamahang holdaper.
Matapos ang ilang sandali ay isinakay na ang mga ito sa isang kotse at kumaripas na ng takbo, na ayon sa biktima halos 2 oras silang nagpaikut-ikot hanggang sa makarating sa lugar ng UP Diliman at doon na sila pinababa. Ang masaklap nito, napigurahan pala sila ng kanilang biktima at iyon ang naging daan upang matukoy ang kanilang pagkakakilanlan. Hehehe! Swak sila sa balde.
Una nang nagreklamo itong biktima sa himpilan ng kapulisan subalit sa kalaunan ay nagtungo na ito sa tanggapan ni Calinisan at doon na sila kinilala ng tuluyan at mismong si Comm. Calinisan pa ang nagbanggit ng mga pangalan nito sa media.
Ayon sa pagtukoy ni Calinisan ay itong sina P/Maj. Santos, P/Capt. Arellano, Pat. Salazar, P/SMS Orain,P/Cpl Figuroa, Pat. Bautista at 2 sibilyan pa na kasalukuyang at large. Mukhang minalas itong grupo ni P/Maj. Santos dahil agad na nagpahayag itong si PNP Chief P/Gen. Jose Melencio Nartatez na dismissal ang ipapataw sa mga pulis na sangkot sa panghoholdap.
Kaya’t mga suki sa mga matitinong pulis abay, huwag na ninyong tularan ito upang hindi malagay sa delubyo ang buhay n’yo at mawawala ang milyones ni’yong benipisyo sa imahe ng PNP.
- Latest















