^

PSN Opinyon

EDITORYAL — Offloading ng BI, sinita ng Senado

Pilipino Star Ngayon

MULING tinalakay at kinuwestiyon sa Senado ang usapin ng offloading ng Bureau of Immigration (BI) sa mga Pilipinong nais maglakbay sa ibang bansa kahit mayroon silang aprubadong visa.

Sa deliberasyon ng panukalang 2027 budget ng Department of Justice (DOJ) noong Miyerkules, kinuwestiyon ni Sen. Raffy Tulfo kung bakit may mga pasaherong pinipigilan pa ring makaalis ng bansa gayong dumaan na sila sa mahigpit na proseso ng pagkuha ng visa.

Depensa naman ng BI, may mga pasaherong kulang sa kinakailangang dokumento at bahagi ito ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa human trafficking.

Nauunawaan natin ang layunin ng BI na protektahan ang mga Pilipino laban sa human trafficking at illegal recruitment. Subalit hindi dapat maging dahilan ito upang pigilan sa paglalakbay ang mga lehitimong biyahero.

Hindi biro ang perang ginagastos sa pag-apply ng visa, pagbili ng ticket sa eroplano at pagpapareserba ng hotel. Ang ilan ay ilang buwan o taon pang nag-iipon upang makapagbakasyon sa ibang bansa.

Kaya nararapat suportahan ang Senate Bill No. 1657 na inihain ni Tulfo noong Enero, na naglalayong maibalik ang nagastos ng mga pasaherong hindi makatarungang na-offload o naiwan ng eroplano dahil sa labis na tagal ng immigration interview.

Gayunman, hindi sapat ang pagbibigay ng reimbursement. Kailangang repasuhin mismo ng BI ang mga umiiral nitong proseso at pamantayan sa pagsusuri ng mga pasahero.

Dapat magkaroon ng malinaw na listahan ng mga kinakailangang dokumento, makatwirang limitasyon sa tagal ng interview at nakasulat na paliwanag kung bakit hindi pinayagang makaalis ang isang pasahero.

Dapat ding magkaroon ng pananagutan ang mga opisyal na umaabuso sa kanilang awtoridad.

Sa paglaban sa human trafficking, higit ding dapat pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang pagtugis sa mga sindikato at illegal recruiter sa halip na magdulot ng pagdududa sa mismong mga mamamayang nais nitong protektahan.

Hindi dapat maging kalbaryo para sa isang Pilipino ang paglabas sa sarili niyang bansa.

Tungkulin ng Bureau of Immigration na protektahan ang kapakanan ng mga Pilipino, ngunit kaakibat nito ang paggalang sa kanilang karapatan, dignidad at kalayaang maglakbay.

TRENDING

  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with