^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Ano ang kapalit ng Pax Silica?

Pilipino Star Ngayon

Sa gitna ng mga protesta laban sa kontro­bersiyal na Pax Silica, nilinaw ni President Ferdinand Marcos Jr. na wala pang pinal na kasunduan hinggil sa planong pagtatayo ng industrial hub sa New Clark City, Capas, Tarlac.

Tiniyak din ni Marcos na walang itatayong data centers sa naturang lugar. Dahil sa ingay ng Pax Silica, dagsa ang nag-rally sa pagbisita ni US Pres. Donald Trump sa bansa na nataon sa ASEAN Summit.

Ang Pax Silica ay isang inisyatiba ng United States na naglalayong patatagin ang pandaigdigang supply chain ng semiconductors, critical minerals at iba pang materyales na kailangan sa pagpapaunlad ng artificial intelligence (AI).

Inaasahang makahihikayat ito ng $40 bilyon hanggang $70 bilyong pamumuhunan at ma­kalilikha nang mahigit isang daang libong trabaho.

Subalit bago magpasilaw sa mga pangakong ito, mahalagang alamin muna kung ano ang magiging kapalit sa pagtatayo ng industrial hub sa bansa.

Ayon sa Bases Conversion and Development Authority (BCDA), maaaring mangailangan ang industrial hub ng 65 hanggang 90 milyong litro ng tubig kada araw.

Paano matitiyak na hindi nito maaapektuhan ang suplay ng tubig ng mga karatig na komunidad at sakahan?

Nakababahala rin ang kapalaran ng 40 pamil­yang Aeta Hungey na nanganganib mapaalis sa kanilang komunidad. Sa loob ng mahigit dalawang dekada, hinihintay nila ang pormal na pagkilala sa kanilang ancestral land.

Nakalulungkot na kayang magmadali ng pamahalaan sa paghahanda ng lupain para sa mga dayuhang mamumuhunan ngunit inaabot ng ilang dekada ang pagkilala sa karapatan ng mga katutubo.

Dapat ding busisiin kung hanggang saan ang pakinabang ng Pilipinas sa proyekto. Mag­kakaroon ba ang Pilipinas ng kakayahang lumikha ng sariling teknolohiya o mananatili lamang­ tagasuplay ng raw materials at cheap labor?

Kung wala pang pinal na kasunduan, ngayon ang tamang panahon upang igiit ang malinaw na mga garantiya sa pangangalaga ng kali­kasan, karapatan ng mga katutubo, paglikha ng de-kalidad na trabaho at paglilipat ng kaa­laman at teknolohiya sa mga Pilipino.

Hindi masamang hangarin na makasabay sa pag-unlad ng teknolohiya. Ngunit kung ang ka­palit nito ay pagkawala ng ancestral land ng mga Aeta, pagkasira ng kalikasan at patuloy na pagdepende sa ibang bansa, marapat lamang itanong: Kaunlaran ba ito ng Pilipinas o kaunlaran ng mga dayuhan na Pilipino ang magbabayad ng halaga?

FERDINAND MARCOS JR.

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with