Universal Health Care ni P-Noy
GUMAWA ng plano for Universal Health Care ang administrasyon ni President Noynoy Aquino. Ito ngayon ay ipinatutupad ni Health Secretary Enrique Ona.
Ano ang Universal Health Care o UHC? Ang layunin ng UHC ay mabigyan ng kakayahan ang bawat Pilipino na makakuha ng serbisyong medikal sa panahon ng kanilang pangangailangan.
Ayon kay dating Health Secretary Alberto Romualdez (na kasama sa advisory group ni Dr. Ona), ang layunin ni P-Noy at DoH ay mabigyan ng libreng PhilHealth coverage ang mga milyun-milyong mahihirap. Dahil dito, humihingi ang DoH ng P9 bilyong pondo para sa Philhealth. Ang DSWD ang magtatakda kung sino ang tunay na mahihirap.
Bukod sa PhilHealth, may iba pang mga layunin ang UHC:
1. Maternal and Child Health. Mataas ang bilang ng mga nanay at sanggol na namamatay sa Pilipinas. Bawat araw, 11 nanay ang namamatay sa panganganak sa Pilipinas, kumpara sa Thailand na 2 lamang. Aayusin ng UHC ang referral system mula sa health center at ospital para maalagaan ang mga buntis.
2. Family Planning program. Kasama ito sa UHC para mabigyan ng impormasyon at tamang pangangalaga ang mga ina.
3. Bawasan ang lifestyle diseases, tulad ng sakit sa puso, diabetes, altapresyon, at iba pa, sa pamamagitan ng tamang kaalaman (prevention). Dito makatutulong ang mga programa laban sa sigarilyo, alak, drugs at unhealthy na pagkain.
4. Bawasan ang kaso ng TB at malaria. Tuluy-tuloy pa rin ang programa para sugpuin ito.
5. Bantayang maigi ang AIDS cases. Nakakatakot ang paglobo ng mga kaso ng Pilipinong may AIDS. Kapag dumami at maging epidemic ito, baka lumubog at mabaon na ang ating gobyerno. Ito’y dahil napakamahal at matagal ang gamutan sa AIDS, at nangangailangan ng mala-king pera.
6. Mas magandang komunikasyon ng mga health centers at hospitals.
7. Mas magandang komunikasyon ng public health workers, tulad ng mga kamadrona, nars at doktor.
8. Hikayatin ang partisipasyon ng media para tumulong sa pag-iiwas sa sakit.
9. Hikayatin ang partisipasyon ng lahat ng tao para tumulong.
Mukhang may pag-asa ang ating bansa kay P-Noy. Ayon sa mga eksperto, tama ang tinatahak na landas ni P-Noy at DoH. “Kayo ang boss, ko,” sabi ni P-Noy. Sa Universal Health Care, ang kapakanan ng mamamayang Pilipino ang nasa loobin ni P-Noy. Suportahan natin ito.
- Latest
- Trending