Matuwa na lang habang may panahon pa
MUKHANG rumaratsada na si President Arroyo sa kanyang mga patama at patutsada sa mga kritiko niya, at patuloy na nagpapabango at naglalarawan na siya’y naging magaling na presidente kahit hindi popular, sa mga kababayan natin sa Amerika. Panay ang pagtatataray na ang mga kalaban daw niya ay takot dahil hindi nila kaya ang kanyang ginawa. Sila’y kabado dahil hindi nila makukuha ang nakamit niya sa loob ng walong taon. Pati ang madalas na tikom na Unang Ginoo ay bumabanat na rin, dahil sa umabot na siya sa Amerika kung saan, ayon sa kanyang mga kritiko, ay huhulihin siya dahil sa krimen ng money laundering. Nagyabang at nanghamon pa na dapat mga kritiko niya ang pumunta ng Amerika, para malaman kung sino ang huhulihin.
May hangover pa siguro ng SONA ang mag-asawa. Pero sa Amerika, wala na iyong mga de-kahong palakpak at kantiyaw na nagbigay sa kanya ng lakas para ituloy ang kanyang pagbawi, ika nga. Nabigyan siya ng lakas, ika nga, ng kanyang mga kasabwat sa anomalya. Pati ang imbitasyon sa kanila ni President Barack Obama ay ibinida nang husto, e lahat naman ng pinuno ng ibang bansa ay maiimbitahan din sa tamang panahon!
Totoong hindi kaya ng oposisyon ang ginawa niya. Hindi nila kayang tumawag sa isang opisyal ng Comelec at itanong kung nagawa na iyong hinihingi niyang isang milyong boto na lamang sa kanyang kalaban. Totoong hindi nila makukuha ang nakamit niyang mga iskandalo at katiwalian sa loob ng walong taon, kasi anim na taon lang sila manunungkulan, kung sakali. At hindi rin magmumukhang batang nagpapaliwanag sa kanyang mga kakampi ukol sa mga kaaway niya! Kalokohan iyong magbibida ka ng mga nagawa mo, habang hindi mo mapaliwanag ang mga isyung inaakusa sa iyo. Pikon na pikon na nga siguro ang mag-asawa, kaya pati sa SONA ay piniling magpatutsada na lang imbis na magbigay ng tunay na estado ng bansa.
Matuwa na lang ang mga Arroyo sa ginagawang pambabawi sa mga umatake at bumatikos sa kanila bilang Unang Pamilya habang may panahon pa. Dahil hindi na ito magtatagal. Mananagot ang dapat managot, at sana ay maparusahan ang nararapat parusahan. Kung may tunay na kinakabahan, sila iyon, at baka wala na silang kakampi kapag natapos na ang kanyang termino at hindi mapausad ang Cha-cha! Dito malalaman kung talagang maganda ang nagawa niya para sa bansa, sa halip na siya’y hindi popular.
- Latest
- Trending