^

PSN Opinyon

Pabor sa pagbalik sa ICC

K KA LANG? - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

KARAMIHAN ng mga Pilipino ang pabor sa pagbalik ng Pili­pinas sa International Criminal Court (ICC). Sa ginawang pag­susuri ng OCTA Research mula Abril 20-24, 57 percent ang pabor sa pagbalik. Hindi naman kalakihan ang bilang ng mga pabor, pero higit nga sa 50 percent. Pero hindi na naka­pagta­taka na mababa ang suporta nito sa Mindanao. Alam ko kung bakit.

 Ang ICC ay itinaguyod “upang usigin ang mga indibidwal para sa pinakamalubhang krimeng internasyonal: geno­cide, mga krimeng ginanap noong digmaan, mga krimen laban sa sangkatauhan, at ang krimen ng pagsalakay, kapag ang mga pambansang korte ay hindi magagawa o ayaw gawin ito. Ito ay gumaganap bilang korte ng huling paraan upang matiyak ang pananagutan para sa mga kalupitan na ito at upang hadlangan maganap muli.” Noong Agosto 30, 2011 ipinagtibay ng Pilipinas ang Rome Statute, ang lumikha ng ICC at noong Nob­yembre 1, 2011 ay opisyal na naging mi­yembro ng ICC.

 Pero noong Marso 14, 2018, inanunsyo ni dating Pres. Rodrigo Duterte na babawiin niya ang bansa mula sa ICC. Hindi ito nakapagtataka dahil noong panahong iyon ay sinisimulan na siyang imbestigahan ng ICC dahil sa kanyang madugong “war on illegal drugs”. Kaya noong Marso 17, 2019, opisyal na hindi na miyembro ang Pilipinas. Pero dahil ang mga inaakusa sa kanyang mga krimen laban sa karapatang pantao ay naganap bago ng petsang iyan, maaari pa siyang kasuhan ng ICC. Kasalukuyang nasa The Hague siya ngayon.

 Kung babasahin ang mga bansang miyembro pa rin ng ICC at mga bansang hindi, mapapansin na maraming bansang hindi miyembro ay kilalang may mga masasamang rekord ng karapatang pantao tulad ng China, Russia, North Korea at ang kani-kanilang mga kaalyado, kalahati ng Africa at mara­ming bansa sa Middle East. Kabilang na rin ang Pilipinas sa grupong iyan. Maraming bansa na may malaking populas­yong Muslim ay hindi rin miyembro. Pero ang nakapagtataka sa lahat ay ang U.S., na hindi miyembro ng ICC.

Ang isa pang kabalintunaan ay si Harry Roque, ang dating­ tagapagsalita ni Duterte na sa ngayon ay naghahanap ng ban­­sang titirhan dahil sa ayaw bumalik ng Pilipinas at harapin ang mga paratang at akusasyon sa kanya hinggil sa mga POGO, ay isa sa mga tumulong na makapasok ang Pilipinas sa ICC. Nag­pahayag pa noon na, “Sa totoo lang, hindi ko aka­­laing posible maging miyembro ng ICC.” Pero nang maging miyem­bro ng gabinete ni Duterte ay sumang-ayon siya na bawiin ang kanyang pinaghirapan. Kayo na ang humusga.

 Hindi ko alam kung mas madaling makabalik sa pgiging miyembro muli ng ICC matapos bawiin. Wala rin namang ipinakikita ang kasalukuyang administrasyon na interesadong gawin ito. Ang sa akin ay pabor ako. Mabuti na’t miyembro para magsilbing balakid sa mga pang-aabuso. At kung may maganap, may pamamaraan para panagutin ang masasama.

 

INTERNATIONAL CRIMINAL COURT

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with