Tag-ulan, tagtiis: Hanggang kailan?
TAUN-TAON, sa tuwing bubuhos ang ulan, tila kasabay nitong lumulubog ang dignidad ng mamamayang Pilipino. Sabi nga, baha sa kalsada, trapik sa lungsod, at sakit sa katawan. Ito ang tila paulit-ulit na senaryo ng isang bansa na tila hindi natututo.
Ang bawat patak ng ulan ay paalala na hanggang ngayon, maraming barangay pa rin ang nilulunod ng tubig at kapabayaan. Mga estudyanteng naglalakad sa putik at kanal. Mga matatandang giniginaw sa gitna ng baha. Mga batang nilalagnat dahil sa kagat ng lamok. Samantalang ang mga dapat naglilingkod ay tila mas abala sa pagpo-post ng picture ng relief packs kaysa sa pag-aayos ng ugat ng problema.
Hindi na ito simpleng kalamidad. Ito’y krisis ng pamumuno, krisis ng kakulangan sa malasakit, at krisis ng sistemang bulok sa ugat. May mga ulat ng pondong inilaan para sa flood control, pero bakit hanggang ngayon, parang karagatan ang bawat lansangan kapag umuulan? May mga proyekto para sa health awareness, pero bakit taun-taon, tumataas pa rin ang kaso ng dengue, leptospirosis at iba pa?
Ito ba’y simpleng pagkukulang o tahasang kapabayaan? Tanong iyan ng sambayanang Pilipinong pagod na sa paulit-ulit na tagtiis. Hindi lahat ng opisyal ay manhid, ngunit kung may ginagawa man ang ilan, hindi ito sapat upang masabing protektado ang taumbayan. Hindi pa rin pantay ang pagtrato sa mayaman at mahirap sa panahon ng sakuna.
At habang ang karaniwang mamamayan ay lumulusong sa baha, may ilan sa kapangyarihan ang lumulusong sa pondo. Hindi sapat ang paghingi ng pasensya sa publiko. Hindi sapat ang pagpa-panic tuwing may outbreak. Ang kailangan ay maagang pag-aksyon, matibay na sistema, at tuluy-tuloy na serbisyo.
Ang tag-ulan ay hindi dapat maging panahong kinatatakutan ng mamamayan. Dapat itong maging paalala sa mga nasa puwesto na ang bawat ulan ay pagsusulit sa kanilang katapatan at kakayahan. Panahon na para tayo’y hindi lang magtitiis kundi maningil, manindigan at magising.
- Latest
















