Witness for sale
Dapat magkaroon ng batas upang patawan nang mabigat na parusa ang mga testigong binabaliktad ang unang testimonya. Kung may coercion man o pananakot na ginawa sa kanila kaya sila bumaliktad, dapat silang magpresenta ng matibay na ebidensiya.
Kung ako ang tatanungin, dapat bulukin sa bilangguan si Alias Rene na tumestigo laban sa religious leader na si Apollo Quiboloy at ngayo’y sinasabi niyang binayaran siya ni Senador Riza Hontiveros ng P1 milyon para idiin ang pastor. Kaduda-duda ang ginawa niya.
Kung may magbabayad sa kanya ng ganoong halaga, yaon ay kung sino ang maraming kuwarta. Bukod diyan, marami nang mga dating miyembro ng relihiyon ni Quiboloy ang lumantad upang ireklamo siya ng sexual harassment at iba pang akto ng pang-aabuso.
Michael Maurillo ang tunay na ngalan ni Alias Rene. Nakatalukbong pa ang mukha nang humarap sa pagdinig sa reklamo kay Quiboloy sa isang komite ng Senado. Very credible ang dating niya sa pagsasalaysay sa mga katiwalian ng pastor.
Ngayon, sinasabi niyang binayaran siya ni Risa upang tumestigo laban kay Quiboloy, kaya nagsampa ng kaso ang senadora laban sa kanya. Sino kaya ang totoong nagbayad sa kanya—si Risa o si Quiboloy?
Sabi ni Risa, si Michael ay ilang ulit na nagpunta sa kanyang opisina sa Senado upang magboluntaryong tumestigo.
In any case, dapat papanagutin ang bayarang testigong ito dahil inamin niya na tumanggap siya ng pera kapalit ng kanyang testimonya. Kung pananakot lang ang ginawa sa kanya para umatras, puwede siyang absuweltuhin. Pero kung lagayan, dapat siyang managot sa batas at parusahan nang mabigat.
- Latest















