Lalaki sa Australia, nakatagal ng 100 araw na ‘peke’ ang kanyang puso!
ISANG Australyano ang nakatagal ng 100 araw na artificial na puso ang ginagamit habang naghihintay ng heart donor! Ito ang pinakamahabang panahon na naitala para sa isang pasyenteng gumamit ng naturang teknolohiya.
Ang hindi pinangalanang lalaki na nasa edad 40, ay inoperahan sa St. Vincent’s Hospital Sydney noong Nobyembre at nabigyan ng cutting-edge na implant.
Noong Pebrero, siya ang kauna-unahang pasyente sa mundo na nakalabas ng ospital na may dalang artificial heart na nagsilbing pansamantalang pampalit sa kanyang puso.
Sa isang pahayag ng kompanyang gumawa ng artificial heart, ang BiVACOR, sinabing ang pasyente ay maayos nang nagpapagaling matapos makakuha ng tunay na puso mula sa isang donor ngayong buwan.
Dahil sa tagumpay ng implant, ipinagdiriwang ito bilang isang malaking hakbang sa larangan ng teknolohiyang medikal.
Pinaniniwalaang may potensiyal itong maging pangmatagalang solusyon para sa mga pasyenteng may malubhang sakit sa puso, lalo na sa mga hindi agad nakahahanap ng donor.
Ang BiVACOR Total Artificial Heart ay gawa sa titanium at may natatanging disenyo na walang mechanical bearings, kaya mas matibay at hindi madaling masira.
Mayroon itong isang gumagalaw na bahagi, isang rotor na pinapagalaw ng isang magnet na nagpapadaloy ng dugo sa katawan at baga, kaya’t pinapalitan nito ang parehong ventricles ng natural na puso.
Ayon sa datos, tinatayang 18 milyong tao ang namamatay taun-taon dahil sa sakit sa puso. Sa United States, halos 3,500 katao ang nagpa-heart transplant noong 2024, ngunit mahigit 4,400 pa ang naghihintay sa listahan.
Dahil dito, malaki ang inaasahan sa bagong teknolohiya.
Ayon kay Prof. Chris Hayward ng Victor Chang Cardiac Research Institute, maaaring sa loob ng isang dekada, ang artificial heart ay maging isang pangunahing alternatibo sa mga pasyenteng hindi kayang maghintay ng heart donor.
Samantala, ang BiVACOR heart ay patuloy pang pinag-aaralan sa mga clinical studies. Sa U.S., limang pasyente na ang napagtagumpayang ma-implant ng device, kabilang ang isang lalaki na nabuhay nang walong araw habang suot ang artificial heart.
Sa Australia naman, ang tagumpay ng pasyente sa St. Vincent’s Hospital ay isa lamang sa mga unang hakbang ng Monash University’s Artificial Heart Frontiers Program, isang proyekto na may pondong 50 million Australian dollars na layong mas mapalawak pa ang paggamit ng makabagong artificial heart technology.
- Latest