Ex-Mayor na nasa narcolist, nang-agaw ng baril ng escort, patay
MANILA, Philippines — Patay sa mga operatiba ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) kahapon ng umaga ang isang dating alkalde ng Talitay, Maguindanao nang agawin ang service firearm ng kanyang police escort habang patungo sa Camp Crame sa Quezon City, kahapon.
Nakilala ang nasawi na si Montasser Sabal, alyas Sabal, dating alkalde ng Talitay, Maguindanao. Una itong naaresto sa Port of Batangas dahil sa pagkakasangkot sa kaso ng illegal drugs. Bukod dito suppliers din umano ito ng matataas na kalibre ng baril at pampasabog ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Batay sa report ni CIDG Director Police Maj. Gen. Albert Ignatius Ferro kay PNP Chief Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar, nasa San Juan City sila dakong alas-5:20 ng umaga at sakay ng mobile car patungo ng NCR Field Unit ng CIDG sa Camp Crame nang biglang agawin ni Sabal ang baril ng kanyang escort.
Idineklara itong dead-on-arrival sa San Juan Medical Center.
Nadakip kamakalawa ng gabi sa Batangas Port sa Batangas City si Sabal na sakay ng Reyna De Luna 4 matapos na makakuha impormasyon ang CIDG na darating ang dating alkalde mula sa Mindanao.
Bukod dito anim pa niyang galamay ang dinakip din ng pulisya.
Dinakip ang dating alkalde sa bisa ng warrant of arrest sa kasong paglabag sa Republic Act 951, walang inirekomendang piyansa ang korte habang P200,000 naman sa RA 9165. Si Sabal ay nasa National Watchlist on Illegal Drugs (NWID).
Nakumpiska sa kanyang sasakyang Toyota Innova na may SOU 770 ang M16 A4 Colt AR 15 with serial no. ML63401; magazine for M16 A4; anim na live ammunition for M16 A4; isang Glock 23 9MM; apat na magazine ng Glock 23 9MM; 44 live ammunitionng Glock 23 9MM; isang granada; dalawang vehicle plates ng plate no. KAG 4091.
Nasamsam dito ang shabu na tumitimbang ng 201.917 grams at 156.365 grams na tinatayang aabot sa P2.5 milyon.
- Latest