P5-M halaga ng ari-arian, tupok sa Binondo fire
MANILA, Philippines — Nasa 25 pamilya na umookopa ng ika-apat na palapag ng isang commercial/residential building ang nawalan ng tahanan sa sunog na naganap sa Binondo, Maynila, kahapon ng tanghali.
Ayon kay Manila Fire Marshall, Senior Supt. Jonas Silvano, nagsimula ang sunog alas-11:58 ng umaga sa isa sa mga silid ng tenants ng Wellington Investment Co. o Wellington Building na mata-tagpuan sa Tytana St. (na ngayon ay Norberto Sy St.) sa panulukan ng Nueva St., Binondo, Maynila.
Mabilis na umakyat sa ikalimang alarma ang sunog na naapektuhan lamang ang ikaapat na palapag na residential floor at naideklarang fire under control alas-2:02 ng hapon.
Masuwerteng hindi na bumaba ang apoy sa iba pang palapag ng gusali na pawang residential at sa lower ground floor na tindahan ng mga tela.
Tinatayang nasa P5 milyon ang napinsala sa sunog na wala namang naiulat na nasawi o nasaktan.
Patuloy pang inaalam ang sanhi ng sunog, na ayon kay Silvano ay inaalam kung may pumutok na kawad ng kur-yente na maaaring nginatngat ng daga.
Nagsimula ang sunog sa silid ng isang Elizabeth Lim Chua sa Room 401. (With trainee Vanessa Lenn Galuza)
- Latest