Dahil sa water interruption, klase sinuspinde
MANILA, Philippines – Dahil sa matinding pagkawala ng supply ng tubig, napilitan ang pamahalaang lungsod ng Maynila at maging ang Pasay City na magsuspinde ng klase sa mga paaralan.
Sinuspinde na kahapon ni Manila Mayor Joseph Estrada ang klase hanggang ngayon sa ilang mga pampublikong paaralan sa lungsod dahil sa kawalan ng supply ng tubig.
Sa kanyang Executive Order No. 19, inutos ni Estrada ang suspensiyon ng klase sa elementary at high school sa ilang lugar sa lungsod matapos ang water interruption.
Nagsimula ang water service interruption noong Lunes, 1:00 ng hapon at tatagal hanggang 10:00 Huwebes ng gabi. Mauulit ang water interruption sa Agosto 17-18.
Kabilang sa mga paaralang suspendido ang klase ay ang Torres High School, Lakandula High School, Manuel L. Quezon High School, F.G. Calderon High School, F. G. Calderon Elem. School; na pawang sakop ng District 2; T. Alonzo High School, C. Arellano High School, Jose Abad Santos High School at Raja Soliman High School, sa District 3.
Habang sa Dist. 5 ( Intramuros, Ermita, Malate, Paco, Port Area) walang klase sa Manila Science High School, Manila High School, Araullo High School, Justo Lukban Elementary School, Aurora Quezon Elementary School at Epifanio delos Santos Elementary School.
Wala ding klase ang lahat ng antas sa Philippine Normal University at Technological University of the Philippines ngayong Miyerkules.
Samantala, inanunsiyo kahapon ng Pasay City Hall Office ang pagsuspinde sa klase bilang hakbangin nila hinggil sa pansamantalang kawalan ng tubig sa lungsod at ilang lugar sa Kalakhang Maynila.
Sinimulan ang suspension ng klase sa lahat ng antas mula Agosto 11 hanggang 12 ng taong kasalukuyan.
Nabatid, na nagsimula ang water service interruption ay Lunes, ala-1:00 ng hapon at tatagal ito hanggang alas-10:00 ng gabi sa Huwebes (Agosto 13).
Magpapatuloy naman ito sa Agosto 17, ala-1:00 ng hapon hanggang alas-3:00 ng hapon sa Agosto 18.
Ang water interruption na pinatutupad ng Maynilad at bunsod ng proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Ang mga apektadong lugar sa Southern Metro Manila ay ang Pasay, Parañaque, Makati, Muntinlupa, Las Piñas City at Cavite.
- Latest