Kelot na praning, umakyat sa billboard, nasagip
MANILA, Philippines - Isang 38-anyos na construction worker ang nailigtas ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) at Manila Police District (MPD) sa posibleng pagtalon nito sa napakataas na billboard sa South Superhighway panulukan ng Osmeña at Quirino St., sa Paco, Maynila, kahapon ng hapon..
Itinago ang tunay niyang pagkakakilanlan sa obrero sa kabila ng dala naman niya ang identification card na nagsasaad na isa siyang construction worker at kasalukuyang may proyekto sa isang kilalang ospital sa Maynila. Hinihinalang droga ang sanhi ng pagka-‘praning’ ng lalaki.
Mahigit isang oras sa itaas lamang ng steel grill na pinagkabitan ng billboard ang nasabing lalaki dahil sa takot umano na may papatay daw sa kaniya at wala daw siyang kasalanan sa ikinaso sa kaniya sa kanilang opisina.
Sa naging pahayag naman ng isang Catherine Doce , street facilitator ng Manila Department of Social Welfare bandang alas-2 ng hapon habang naglalakad siya sa Osmeña St. nang lapitan siya ng lalaki at umiiyak na humihingi ng tulong sa kaniya dahil mayroon umanong gustong pumatay sa kaniya at iniabot pa sa kaniya ang naturang ID, bago umakyat sa billboard.
Hindi umano napigilan ni Doce ang lalaki hanggang sa itawag sa pulisya at sa pagresponde ng MPD-station 6 at BFP ay pinakiusapan siya na bumaba at pinaunlakan din ang iniabot na inumin mula sa isang food chain.
Nakiusap din ang lalaki na magpadala ng mga media, kaya nang dumating ang media ay natuwa umano ito. Napapayag din ang lalaki na ibaba na siya ng mga rescuer bago mag-alas-4:00 ng hapon.
- Latest