BIR official, patay sa holdap
MANILA, Philippines - Isang inhinyero na opisyal din ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Quezon City ang nasawi matapos na dalawang ulit na barilin sa ulo ng isa sa apat na mga armadong holdaper sa tapat ng isang gasolinahan sa Mandaluyong City.
Kinilala ang biktima na si Engr. Rolando Espina, 54, chief Revenue Officer 1V ng BIR-Quezon City, tubong Tacloban City at kasalukuyan nakatira sa Brgy. Malamig, Mandaluyong City.
Sa imbestigasyon ni SPO1 Edmundo Fabela, ng Criminal Investigation Unit (CIU) ng Mandaluyong City Police, nabatid na dakong alas-5:45 ng hapon ng Lunes nang maganap ang insidente sa tapat ng isang gasolinahan malapit sa GA Tower, na siyang tirahan ng biktima.
Ayon kay Fabela, kagagaling lamang umano sa opisina ng biktima at pauwi na sana nang maganap ang insidente.
Namataan na lamang umano ng ilang saksi na inaagaw ng apat na mga suspek ang dalang back pack ng biktima habang may nakatutok na .45 kalibre ng baril sa kanya.
Nanlaban umano ang biktima at tumangging ibigay ang kanyang bag kaya’t kaagad na pinaputukan sa ulo ng dalawang ulit ng isa sa mga suspek, bago mabilis na tumakas patungo sa magkakahiwalay na direksyon, tangay ang kanyang bag.
Isinugod pa sa Victor Potenciano Medical Center (dating POLYMEDIC) ang biktima ngunit nasawi rin.
- Latest