Hiyasmin (300)
“NAALALA ko ang huling pag-uusap naman ni Rashid—ng papa mo—lagi niyang sinasabi sa akin na gumawa ako ng paraaan para makontak si Lira. Ako na lang daw ang gumawa ng paraan sapagkat siya ay walang kalayaan habang nasa aming bansa. Naitalaga na raw niya ang sarili na talagang hindi na makagagawa ng paraan dahil sa mahigpit na pagbabantay ng aming magulang.
“Nasabi sa akin ni Rashid na mabuti raw ako at naipaglaban na dito sa United States mag-aral at hindi sa aming bansa. Humahanga raw siya sa akin dahil sa kabila ng pagiging babae ay naipaglaban ko ang karapatan—siya raw ay mahina at naging sunud-sunuran.
“Dapat daw naipaglaban niya ang kanyang gusto at hindi nagpaanod sa kagustuhan ng aming ama at ina. Pikit mata raw niyang pinag-aralan ang kurso na hindi naman niya gusto. Ayaw daw niya ng engineering pero ‘yun ang pilit na pinakuha sa kanya. Pilit niyang pinag-aralan ang course kahit labag sa kanyang kalooban.
“Nang makatapos, pinagtrabaho siya sa isang oil drilling company sa ibang city pero dahil laban sa kanyang kalooban, nagkasakit siya at humina ang katawan.
“Napilitan siyang bumalik sa aming city at mula noon, hindi na nagtrabaho. Nawalan na siya ng gana dahil nga wala siyang interes. Pero sabi ni Rashid, kung ang gusto niyang course ang nasunod, baka maligaya siya at siguro kahit paano raw ay nakadama siya ng tagumpay.”
“Ano po ba ang course na gusto ni Papa, Tita.”
“May kaugnayan sa mass communication, journalism at advertising ang gusto niya. Mahusay siyang magsulat. Nakapagko-compose siya ng mga tula. ‘Yun daw talaga ang hilig niya at hindi ang engineering.”
“Sa kanya po siguro ako nagmana, Tita. Mass communication po ang natapos ko sa kolehiyo.”
“Palagay ko nga, namana mo ang talino ni Rashid.”
“Mahilig din po akong magsulat ng literary works.”
“Sa kanya ka nga nagmana, Hiyasmin.”
“Na-miss ko tuloy si Papa.”
Napatango si Mary. Nangilid ang luha.
Maya-may naitanong ito.
“Siyanga pala, Hiyasmin, may asawa ka na ba?”
“Meron na Tita.”
“May anak na?”
“Wala pa po. Pero baka malapit na po, he-he!”
Itutuloy
- Latest