Kelot timbog sa P6.8 milyong buy-bust
MANILA, Philippines — Kalaboso ang isang lalaki matapos na mahulihan ng iligal na droga na aabot sa P6.8 milyon sa isinagawang drug buy-bust ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Valenzuela City.
Batay sa report, alas-5:30 ng hapon nitong Miyerkules nang ikasa ang buy-bust na nagresulta sa pagkakadakip kay alyas “Romy”, 46 at pagkakasamsam ng nasa 1 kilo ng shabu.
Ikinasa ng PDEA Regional Office – National Capital Region (PDEA RO-NCR) – Quezon City District Office (QCDO), Regional Special Enforcement Team 2, PNP Drug Enforcement Group – Special Operations Unit NCR at Valenzuela City Police Station Sub-Station 4 Malinta ang buy-bust sa Rincon St., Brgy. Malinta, Valenzuela.
Nakabalot sa plastic ng isang convenience store at paper bag na may sulat na “Adidas at Adiclub JOIN US NOW” ang aluminum foil pack na may markings na “Qin Shan”.
Nagkakahalaga ng P6,800,000.00 ang ‘bato’ na nakumpiska sa suspek.
Sasampahan ng kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek.
- Latest