Torre sa mga pulis: Magserbisyo ng may malasakit
MANILA, Philippines — Pinaalalahanan ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Nicolas D. Torre III ang kanyang mga tauhan na pairalin ang pagseserbisyo ng may malasakit para sa mas maayos na koneksiyon sa publiko.
Ang paalala ni Torre ay kasabay ng kanyang pahayag na walang pang-aabuso o extrajudicial killing na mangyayari habang siya ang hepe ng Pambansang Pulisya.
Ayon kay Torre, hindi dapat kinatatakutan ang mga pulis bagkus ay dapat na sandigan at kakampi ng bawat sibilyan laban sa anumang mga pang-aabuso.
Giit ni Torre sa kanyang mga pulis na pairalin ang malasakit at tutukan ang kanilang sinumpaang tungkulin sa pagbibigay seguridad sa komunidad.
“Show compassion to those in distress, respond swiftly, and ensure the resolution of crimes,” ani Torre.
Giit pa ni Torre sa kanyang mga tauhan na walang puwang ang mga sangkot sa anumang katiwalian at anomalya dahil buong organisasyon ang kanilang bitbit.
Gayunman, sinabi si Torre na titiyakin niyang mabibigyan ng pagkilala ang mga tunay na nagtatrabaho at nagseserbisyo.
Alam aniya niyang nakataya ang career at pangalan ng mga pulis na totoo sa pagtupad sa kanilang tungkulin kaya marapat lamang na kilalanin at bigyan ng parangal.
- Latest