Tubig sa Lagusnilad, nasipsip na
MANILA, Philippines - Maaari nang daanan ng lahat ng uri ng sasakyan ang mga kalye sa Maynila kabilang na ang Lagusnilad sa tapat ng Manila City Hall na natapos lamang ang pagsipsip dakong alas-6:00 ng gabi kamakalawa
Imumungkahi ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Council sa Konseho ng Lungsod ang muling pag-aaral sa disenyo ng drainage system ng Lagusnilad sa hangaring malutas ang matagal nang problema ng pagbaha sa nasabing lagusan.
Ayon kay Johnny Yu, OIC ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Council, hihilingin nila ang pagsasagawa ng retroffiting sa Lagusnilad sa idaraos na sesyon ng konseho sa susunod na linggo.
Kaugnay nito, ipinaliwanag ni Yu na ipapanukala niya na pagpulungan ng DPWH, MMDA at ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang pag-aaral sa drainage system plan ng Lagusnilad.
Posible raw na konektado ang drainage system ng nasabing lagusan sa drainage system ng Intramuros, kaya mabilis na nagbabara ang drainage ng una.
Dahil dito, tila lumalabas umano na nagsisilbi ring catch basin ang Lagusnilad. Nabatid na sira ang limang water pumps ng Lagusnilad kaya nahihirapang humupa ang anumang pagbaha dito.
- Latest