BEST swimmers sumisid pa ng 4 ginto sa Bangkok meet

MANILA, Philippines — Hindi nagpatinag ang Behrouz Elite Swimming Team (BEST) tankers nang magdagdag pa ito ng apat na gintong medalya sa 3rd Asian Open Schools Invitational (AOSI) Short Course Swimming Championships na ginaganap sa Assumption University Aquatics Center Suvarnabhumi sa Bangkok, Thailand.
Nangnining sa pagkakataong ito si Clara Maligat na nagrehistro ng bagong record sa event na nilahukan ng 16 na bansa sa Asya kabilang na ang Iran, South Korea, Vietnam, Hong Kong, Malaysia at host Thailand.
Nailista ng La Salle Zobel standout na si Maligat ang impresibong dalawang minuto at 31.68 segundo upang angkinin ang ginto sa girls’ 15-year 200m butterfly.
Tinabunan ni Maligat ang lumang rekord na 2:54.06 na naitarak ni Meral Ayn Latheef ng Malaysia noong 2024 edisyon ng torneo.
Ito ang ikalawang ginto ni Maligat matapos mamayagpag sa 25m butterfly habang may pilak din ito sa 100m freestyle (1:04.32).
Tuloy din ang matikas na ratsada ni Behrouz Mohammad Madi Mojdeh ng La Salle Greenhills na kumana ng ikatlong ginto sa boys’ 15-year category.
Namayagpag si Mojdeh sa 200m butterfly sa bilis na 2:08.86 — gahibla lamang mula sa tournament record na 2:08.48.
Kumana naman si Therese Annika Quinto ng dalawa pang ginto sa girls’ 15-year class kung saan nagreyna ito sa 50m backstroke (32.07) at 100m freestyle (1:02.20).
Sa kabuuan, may tatlong ginto na rin si Quinto — una na sa 50m freestyle (28.30).
- Latest
















