Kilalanin: 5 pinagpipiliang i-endorso ni Duterte sa 2022 presidential elections
MANILA, Philippines — Positibo nang tinukoy ng Malacañang ang mga pinagpipiliang suportahan ni Pangulong Rodrigo Duterte para humalili sa kanyang pwesto sa paparating na halalang 2022.
Bagama't hindi pa buo ang desisyon ni Digong, aminado si presidential spokesperson Harry Roque ngayong Huwebes na may "options" na ang presidente: kasama na riyan ang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.
"Let's just say na maraming options na nabanggit na ang presidente. I will just repeat it. Ang mga options na maaaring tumakbo includes also Mayor Sara Duterte," ani Roque sa isang media briefing kanina.
"It includes Sen. Manny Pacquiao. It includes former Sen. Bongbong Marcos. It includes even Manila Mayor Isko Moreno. 'Yun 'yung mga naririnig ko. And it includes also Sen. Bong Go. Alam niyo po, talagang noong kinausap ho siya diyan ay wala pa siyang desisyon."
Ito ang inihayag ni Palasyo ngayong ipinagkakalat ni Albay Rep. Joey Salceda na limang partido pulitikal na ang nagbubuo ng alyansa para suportahan ang kandidatura ni Inday Sara sa panguluhan. Bukod pa 'yan sa ibinabalita niyang desidido na ang presidential daughter na subukang palitan ang ama next year.
Kung tatanggapin ni Digong ang resolusyon ng PDP-Laban na hikayatin siyang kumandidato sa pagkabise presidente sa 2022, maaaring magkatotoo na ang ugong-ugong na Duterte-Duterte tandem
Makakaharap ng pipiliin ng administrasyon ang broad opposition coalition na patatakbuhin sa ilalim ng 1Sambayan, bagay na may mga representante mula sa mga progresibo, Liberal party at iba pang tumutuligsa kay Duterte.
Hindi gaya ng iba pang opisyal ng gobyerno, pinapayagan ang presidente na tulungan sa pangangandidato sa eleksyon ang kanyang mga nais manalo.
Tatakbo ba si Sara o hindi?
Sa kabila ng lahat ng ito, nanggaling na raw mismo kay Duterte noong Lunes na hindi pa rin nakakapagdesisyon ang anak kung kakandidatong presidente ng administrasyon.
"Well, narinig ko po personally ang presidente as of last Monday. May tumawag po sa kanya, hindi ko na sasabihin kung sino, at ang sinabi po niya ay hindi pa rin po tatakbo si Mayor Inday Sara," patuloy ni Roque.
"Ang rekomendasyon nga raw po niya ay 'wag siyang tumakbo. That's the latest I heard from the president's own mouth."
Kasama sa initial shortlist ni Digong si Pacquiao, na presidente ng partidong PDP-Laban ng pangulo.
Matatandaang tinututulan ng fighting senator ang pinangunahang National Council Assembly ng PDP-Laban kamakailan ni Energy Secretary Alfonso Cusi, kung saan ipinapanawagan ang pagtakbo ni Digong sa pagkaikalawang pangulo.
'Yan ay kahit na si Duterte mismo ang nagpatawag ng nasabing pulong.
- Latest