Vanity tax iniatras – solons Gemma Garcia
MANILA, Philippines - Hindi na itutuloy ni Ako Bicol partylist Rep. Rodel Batocabe at Quezon City Rep. Winston Castelo ang paghahain ng panukalang “vanity tax” o ang paglalagay ng karagdagang buwis sa mga produkto at serbisyong pampaganda.
Ipinaliwanag ni Batocabe, hindi na niya isusulong ang panukala dahil maraming sektor ang umaalma rito at maging ang kanyang kinakatawan umano na Ako Bicol partylist ay kinumbinsi siya na huwag ng ituloy ang nasabing panukala.
Bukod dito, isa rin umano sa mabigat na nagkumbinsi sa mambabatas na iatras ang vanity tax bill ay ang pahayag ni Budget Secretary Benjamin Diokno na may pondo pa naman ang gobyerno kaya hindi pa agad-agad kailangan ang pagpapataw ng dagdag excise tax sa produktong petrolyo.
Kaya lamang umano niya naisip ang vanity tax noon ay bilang alternatibo sa dagdag buwis sa petroleum products na mas mabigat ang epekto sa publiko.
Para naman kay Quezon City Rep.Winston Castelo, isa sa may akda ng panukala na alternatibo lamang ang vanity tax kung itutuloy ng DOF ang rekomendasyon nito na increase sa tax sa produktong petrolyo at pag aalis sa VAT exemptions sa senior citizens.
Sa halip paliwanag ni Castelo, gagamitin na lamang nila ang oversight power ng kongreso para masiguro na ang mga personal care at mga korporasyon ng mga beauty product ay nagbabayad ng tamang buwis.
- Latest